MAS iinit pa ang panahon sa susunod na mga araw dahil sa pagtindi ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.
Batay sa pagtataya ng PAGASA, pinakamalakas ang El Niño sa Agosto 2015 at tatagal hanggang Marso 2016.
Gayonman, inaasahang bahagya na itong hihina pagsapit ng Enero 2016.
Nagbabala ang PAGASA na posibleng pito pang probinsiya ang maapektohan ng ‘drought’ habang higit 50 probinsiya ang makararanas ng dry spell.
Matatandaan, kamakailan ay isinailalim na ang buong lalawigan ng Cebu sa state of calamity dahil sa nararanasang labis na tagtuyot. Umaabot na rin sa P2.19 bilyon ang pinsalang dulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Samantala, patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila.
Ayon kay PAGASA Hydrologist Juan Elmer Caringal, kakailanganin nang hindi bababa sa tatlong bagyo para maibalik sa normal ang antas ng tubig sa Angat Dam.