INIREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Sub Comittee ang paghain ng kasong plunder laban kay Vice President Jejomar Binay, kanyang anak na si Makati Mayor Junjun Binay, at 18 iba pa kaugnay ng sinasabing overpriced na konstruksiyon ng Makati City Hall Building II.
Isinumite ni sub-committee chairman Sen. Koko Pimentel ang kanyang draft report kay Sen. TG Guingona, chairman ng mother committee, at ito ay paiikotin sa mga miyembro para sa lagda.
Batay sa draft report, nagsabwatan ang 18 Makati officials at Hilmarcs constraction para sa overpriced na gusali na nagkakahalaga ng P2.7 billlion.
Una nang inakusa ni dating Makati Vice Mayor Ernest Mercado na ang kinita mula sa overpriced na gusali ay ibinuhos sa tinaguriang “Hacienda Binay” sa Batangas.
Bahagi pa lamang ito ng report ng komite ni Pimentel habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon laban sa mga isyu na kinakaharap ng bise presidente.
Niño Aclan/Cynthia Martin