ARESTADO ang may-ari ng isang restaurant sa Davao City nitong Lunes nang hindi magkaloob ng discount sa isang senior citizen.
Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Richard Tuason base sa reklamo ng senior citizen na si Renato Hidalgo.
Sinabi ni Hidalgo, kinasuhan niya ang nasabing establisimento makaraan siyang kumain at hindi pinagkalooban ng senior citizen’s discount.
“Gusto ko lang ipa-alam sa mga establisimento na pagka matatanda o matanda na, binibigyan naman po sana nila ng tinatawag na galang tsaka ‘yung karapatan mo na senior citizen,” aniya.
Sa ilalim ng Section 4 ng Republic Act 9994, “senior citizens are entitled to a 20-percent discount and exemption from value-added tax on certain goods and services.”
Sinisi ni Tuason ang kanyang cashier, isang nagngangalang Jing, sa hindi pagbibigay ng discount, idiniing nadamay lang siya insidente.
Aniya, hindi tumatanggi ang kanyang establisimento sa pagbibigay ng discount sa senior citizens.
“Ang nangyari is, may instruction na ang mga cashier na magbigay ng mga discount sa mga senior citizen but ewan ko ano ang nangyari roon,” aniya.
Sinabi ni NBI agent Atty. Archie Albao, ang parusa sa hindi pagkakaloob ng discount sa senior citizen ay dalawang taon pagkabilanggo, at multang hanggang P100,000.
“Para sa mga establishment iyan. Para sa mga tindahan at iba pang mga transportation agency, sa mga hindi nagbibigay ng discount, beware kasi mahuhuli kayo agad,” aniya pa.
Pinalaya si Tuason makaraan maglagak ng P10,000 piyansa. Habang kasalukuyang hinahanap ng NBI si Jing na sinasabing nagtungo sa ibang bansa.