AALISAN ng mga police security ang mga politikong tatakbo sa 2016 elections sa loob ng election period, ayon sa Police Security and Protection Group (PSPG).
Sabi ni Supt. Rogelio Simon, tagapagsalita ng PSPG, lahat ng electoral candidates na may PNP Security detail, maging ang incumbent government officials, ay aalisan ng security sa oras na maghain sila ng certificate of candidacy.
Ngunit maaaring humingi ng ‘exemption’ mula sa Comelec ang ilang politiko.
Habang alinsunod sa NAPOLCOM Memorandum Circular 2009-004, hindi dapat alisan ng security detail ang mga mandatory protectee kabilang ang presidente, bise-presidente, Senate president, House Speaker, chief justice, at mga kalihim ng Department of National Defense (DND) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Ibig sabihin, kapag natuloy ang pagtakbo ni Vice President Jejomar Binay bilang pangulo sa 2016, hindi pa rin siya babawian ng police security dahil siya pa rin ang kinikilalang bise presidente ng bansa.
Sa kaso ni DILG Secretary Mar Roxas, tatanggalan siya ng police security dahil kakailanganin niyang bumaba sa posisyon kapag tumakbo na sa halalan. Gayonman, pwede pa rin siyang umapela sa Comelec.
Samantala, sinabi ng PSPG, una nang tinanggalan ng police security sina Sen. Juan Ponce-Enrile, Sen. Jinggoy Estrada, at Sen. Bong Revilla nang maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban sa kanila.