UMABOT sa 12 senador ang kombinsidong may mga probisyong labag sa Saligang Batas sa binubuong Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, 12 sa 14 miyembro ng pinamumunuan niyang Senate committee on constitutional amendment and revision, ang pumirma sa report na nagsasabing dapat rebisahin ang ilang bahagi ng panukalang batas.
Bukod kay Santiago, kasamang pumirma sa committee report sina Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, Sen. Vicente “Tito” Sotto III, Sen. Sonny Angara, Sen. Teofisto “TG” Guingona III, Sen. Gringo Honasan, Sen. Lito Lapid, Sen. Ralph Recto, Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Cynthia Villar, Sen. Bongbong Marcos, at ang nakakulong na si Sen. Jinggoy Estrada.
Nakasaad sa report ng komite na kabilang sa mga dapat baguhin ang mga probisyon na tumutukoy sa soberenya, awtonomiya, paglikha ng sub-state, at territorial integrity.
Inilabas ni Santiago ang report makaraan magsagawa ng pagdinig ukol sa BBL.
Samantala, aminado si Senate President Franklin Drilon na mahihirapang maipasa ang BBL sa June 11 deadline.
Aniya, kakapusin ang panahon sa pagtalakay nito sa plenaryo lalo’t may nakakasa pang hearing ang Senate committee on local government na pinamumunuan ni Marcos.
Sabi ni Santiago, marapat lang na maghinay-hinay ng Senado sa pagpasa ng BBL.