HINIHINALANG namatay ang isang 3-anyos paslit sa Bacolod bunsod nang labis na pag-inom ng kape.
Ayon sa mga magulang ng biktima, nakita na lang nilang wala nang buhay ang paslit isang umaga.
Itinakbo pa nila ang paslit sa ospital ngunit idineklara itong dead-on-arrival.
Banggit ng mga doktor, nagkaroon ng irregular heartbeat ang bata na posibleng makuha sa pag-inom ng maraming caffeinated drinks tulad ng kape.
Inamin ng ina ng bata na nitong nagdaang dalawang buwan, nadalas sa pag-inom ng kape ang kanilang mag-anak.
Ngunit giit niya, kaunti lang ang naiinom ng kanilang anak.
Tumanggi ang mga magulang ng biktima na isailalim ang pumanaw na anak sa autopsy.
Payo ni Dr. Grace Tan ng Bacolod City Health Office, huwag painomin ang mga bata ng kape dahil hindi pa kaya ng kanilang katawan ang caffeine na isang stimulant.