INIHAYAG ni Senador Sergio Osmeña III na posibleng may maganap na suhulan sa planong pakikipagpulong ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga senador para pag-usapan ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Osmeña, gagawin ang lahat ni Pangulong Aquino matiyak lamang na lumusot ang bersiyon ng BBL na kanilang isinumite sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Wala rin balak si Osmeña na matulad ang Senado sa naganap na aniya’y ‘railroading’ sa BBL sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ibinunyag ni Osmeña, sa naturang pulong ay mayroong ‘goodies’ na ilalatag ang Pangulo at ito ang isang bersyon o uri ng pork na nakapaloob sa 2015 General Approriations Act (GAA).
Tinukoy ni Osmeña, wala rin siyang balak na maulit ang kasaysayan na nagkaroon ng kapalit ang pagboto ng ilang senador para ma-impeach sa puwesto si dating Chief Justice Renato Corona.
Paliwanag ni Osmeña, sakaling bumoto siya pabor sa BBL at dumalo siya sa pagpupulong, tiyak na iba agad ang magiging tingin sa kanya ng mamamayan at aakusahang nasuhulan.
Binigyang-linaw ni Osmeña, pabor siya at nais niya ng kapayapaan sa Mindanao ngunit kailanman ay hindi maaaring maimpluwensiyahan ng kahit sino ang kanyang magiging boto sa BBL at siya ay naniniwalang dapat amyendahan ang ilang probisyong nilalalaman nito.
Niño Aclan/Cynthia Martin