AMINADO si Department of Education (DepEd) Undersecretary Albert Muyot na may pananagutan ang pamunuan ng British School of Manila sa sinapit na pagpapakamatay ni Liam Madamba, kabilang sa mga mag-aaral na ina-kusahan ng isang guro ng pangongopya o plagiarism.
Gayonman, ayon kay Muyot, hindi nila mapapatawan ng sanction ang nasabing paaralan dahil hindi ito sakop ng DepED bagama’t mayroon silang memorandum of agreement.
Ngunit aminado si Muyot na maaaring magpatuloy ang operasyon ng paaralan habang dinidinig sa Senado ang kanilang hangarin na maging isang educational institution ang BSM.
Samantala, nakita ni Muyot na walang due process na isinagawa ang paraalan makaraan akusahan si Liam Joseph Madamba ng pangongopya ng gawa ng iba na nagresulta sa depresyon hanggang magpakamatay.
Kaugnay nito, hustiya ang sigaw ng pamilya ni Madamba hinggil sa pagpapakamatay ng nasabing estudyante.
Ayon kay Gng. Trixie Madamba, ina ni Liam, pinag-aaralan nila ang paghahain ng kaso laban sa BSM.
Kasabay nito, hinamon ni Gng. Madamba si Mr. at Mrs Simon Mann, school head ng BSM, na magbitiw na sa kanilang tungkulin dahil sa maling pamamalakad sa paaralan.
Hindi naman napigilan ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na mapaluha sa pagdinig ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, ukol sa naturang isyu lalo’t dito rin siya nagtapos ng pag-aaral.
Bukod sa kanya ay kasalukuyan din nag-aral sa British School sa United Kingdom ang dalawa niyang anak.
Niño Aclan/Cynthia Martin