ISA sa mga aktibong grupong madalas na magbabala sa mga magulang ang Ecowaste Coalition.
Sa tuwing darating ang pasukan, madalas itong magpaalala sa kung ano ang nararapat at ‘di nararapat na bilhing gamit pang-eskwela o school supplies para sa mga mag-aaral.
Halos taon-taon, ang grupong ito ay umiikot sa Divisoria at sinasabi na ang karamihan sa mga school supplies na mabibili rito ay nakamamatay at delikado sa kalusugan at nakaaapekto sa utak ng mga mag-aaral.
Pero bakit sa Divisoria lang umiikot ang Ecowaste Coalition? Bakit hindi nila imbestigahan at pasukin ang malalaking department store gaya ng SM, Landmark at Robinson’s?
Kung gagawin kasi nila ito, tiyak na ipagtatabuyan sila ng mga de-shotgun na security guard.
Hindi ba alam ng grupong ito na pawang mahihirap ang namimili sa Divisoria? Hindi makikipagsiksikan ang mga magulang sa Divisoria kung meron silang limpak-limpak na salapi na pambili sa gagamitin ng kanilang anak sa darating na pasukan.
Anumang panganib, hindi ito papansinin ng mga magulang, mabili lang nila ang mga school supplies para sa kanilang mga anak na estudyante.
Kung talagang nagmamalasakit ang Ecowaste Coalition, bakit hindi na lang sila ang magtinda ng school supplies, ‘yung mura ang halaga, dekalidad at walang hazardous chemical.