SINERMONAN ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., chairman ng Senate Committee on Local Government, ang mga opisyal ng Office of the Presidential Affairs on Peace Process (OPAPP) dahil hindi isinama o naimpormahan ang mga sultanate ng lalawigan ng Sulu at iba pang stakeholders sa pagsulong ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado, hindi napigilan ni Marcos na sabonin si OPAPP Usec. Jose Lorena makaraan mapakinggan ang hinaing ng mga sultan ng Sulu na dumalo sa pagdinig, na hindi sila isinama o naimpormahan ng gobyerno sa pagsusulong ng BBL.
Sinabi ni Marcos, sa kanilang isinagawang mga pagdinig sa Sulu at Zamboanga, nabatid na hindi isinama sa kasunduan ang mga lokal na pamahalaan at sultanate sa BBL sa kabila na sasakupin ang mga naturang lugar sa usapin na isinusulong Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Mas lalong hindi napigilan ng senador na sabunin si Usec. Lorena nang mapakinggan ang hinaing ng mga sultanate ng Sulu sa pagdinig, na nagsumite ng petition paper ang Organization of Teduray and Lambangian Conference (OTLAC) Inc. na kinabibilangan ng mga grupo ng Sultan at mga katutubong Muslim, kaugnay sa mariin nilang pagtutol sa pagpasa ng BBL na hindi man lamang na-amyendahan.
Tutol ang mga Sultanate of Sulu, mga katutubo at mga lokal na pamahalaan ng Zamboanga na isama sila sa BBL gayondin sa probisyon na papalitan ang pangalang Sulu sea sa Bangsamoro sea.
Niño Aclan