SA GITNA ng mga haka-haka na umiikot dahil sa nalalapit na presidential election sa 2016, inamin ni Pangulong Noynoy Aquino na nananatiling si DILG Secretary Mar Roxas pa rin ang kanyang personal na pambato upang ipagpatuloy ang repormang nasimulan ng administrasyong Aquino.
“Nagulat akong nakalagay sa ilang pahayagan na hindi raw kinokonsiderang standard bearer ng koalisyon si Mar. Malabo ‘yun,” pahayag ni PNoy kahapon sa isang interbyu pagkatapos ng Oplan Balik Eskuwela sa Marikina Elementary School.
“Sa lawak ng ipinakitang gilas ni Mar sa iba’t ibang assignment na ibinigay ko sa kanya, malinaw na isa siyang mahalagang miyembro ng aking Gabinete. Kahit noong nasa oposisyon pa kami, isa na siya sa mga haligi ng partido.”
Binalikan din ni PNoy ang naging sakripisyo ni Roxas noong 2009 noong nagbigay-daan ang huli upang maging kandidatong pagkapangulo ng Partido Liberal ang noo’y Senador Aquino.
“Bilang lider, ipinamalas na ni Mar pati ang kakayahan niyang magsakripisyo para sa bayan. Lahat ng mga katangiang ito, sa aking pananaw, ay iisa lamang ang punto — siya ang nasa taas ng listahan natin.”
Kamakailan lamang ay iniulat na nakipagpulong si PNoy at Secretary Roxas kay Senadora Grace Poe upang pag-usapan ang mga plano para sa nalalapit na halalan. Malinaw sa mga pahayag ng tatlong opisyal na iisa ang kanilang layuning maipagpatuloy ang mga repormang dulot ng matino at tapat na pamamalakad sa pamahalaan.
Inihayag din ni PNoy na dahil patuloy pa rin ang mga konsultasyon sa loob ng Partido Liberal at ng mga kasama sa koalisyon ng administrasyon ay maaantala nang panandalian ang pag-aanunsiyo kung anong tandem ang ieendorso niya.
“Gusto nating maging malawak at malalim ang pag-uusap sa lahat ng sektor na kasama sa koalisyon, kaya’t pagkatapos na ng SONA ang ating magiging consensus.”
Samantala, hindi bumenta kay PNoy ang panukalang “man to beat” sa darating na eleksiyon si Vice President Jojo Binay.
“Yang ‘man to beat’ impression, nakukuha dahil sa mga nakaraang survey. Pero tingin ko ay nakasalalay sa abilidad niyang sagutin ang lahat ng mga alegasyong ibinabato sa kanya ngayon.”
Matatandaang nagpalabas ng freeze order ang Court of Appeals laban sa daan-daang bank accounts ni VP Binay at ng mga sinasabing dummy nito kasunod ng mga sinasabing maanomalyang transaksyon sa Makati.
Patuloy na tumatanggi ang mga Binay na ipaliwanag ang kanilang sinasabing P11 bilyong umikot sa nasabing mga account, at patuloy na pinaghahahanap ng mga awtoridad ang sinasabing dummy ng mga Binay sa sina Gerry Limlingan at Ebeng Baloloy.
Ayon sa Anti-Money Laundering Council sa mga papel na inihain sa Court of Appeals, maraming kaduda-dudang transaksiyong dumaan sa mga account na ito, katulad ng isang depositong may halagang 2-bilyong piso habang itinatayo ang Makati Parking Building II.