ANG Maynila ay hindi basurahan ng sino man, at kahit dayuhang bansa tulad ng Canada ay hindi nito patatawarin o kukunsintihin na gawing tapunan ang lungsod ng kahit ano mang bagay na hindi na nila kailangan.
Ito ang nilalaman ng resolusyon na ipinasa ng Konseho ng Maynila sa isinagawang sesyon noong Mayo 14, na nananawagan sa Canada na agad alisin sa Port Area ang ilegal nilang kargamento ng mapanganib na waste materials.
Ayon kay Konsehal DJ Bagatsing, chairman ng Committee on Tourism, ang 50 container vans na naglalaman ng kontaminadong basura mula Canada ay maaaring magdulot ng peligro sa mamamayan at sa kapaligiran.
Nagkaisa ang mga konsehal na manindigan laban sa pananatili ng naturang basura sa pier dahil sa panganib na dala nito.
Bagaman maliit ang Maynila ay sangkaterbang tao ang naninirahan dito, kompara sa makapangyarihang Canada na bukod sa isa sa pinakamalaking bansa sa mundo ay maraming bakanteng lupa pa o walang tao.
Puwede naman nilang gawing tapunan ang lupa nila kung gugustuhin, lalo na’t kanila naman ang basura. Bakit kailangan pa nilang itambak ito sa ibang bansa, at dito pa dinala?
Maganda ang relasyon ng ating bansa sa Canada, kaya huwag sana nilang hayaang madungisan ito nang dahil lang sa mga mapanganib na basura na kanilang dinala rito.
Dapat magkusa ang gobyerno ng Canada na alisin ito sa Maynila upang maipakita na malinis ang pakikipagmabutihan nila sa ating bansa.
Kung hindi ay lalabas na pakitang-tao lang ang lahat at ang totoo ay minamaliit pala nila ang Pilipinas. Maliit man ang ating bansa ay hindi ito nangangahulugan na puwede na tayong babuyin ng sino man.
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View