Sunday , December 22 2024

P7.8-M ibabayad sa pamilya ng Kentex workers

kentex firePOSIBLENG pagbayarin ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang Kentex Manufacturing Corporation ng aabot sa P7.8 milyon.

Ito ang sinasabing laman nang nakatakdang ipalalabas na compliance order ng DoLE Regional Office 3.

Inisyal na bayad pa lamang anila ito sa 99 empleyadong ipinasok ng CJC Manpower Services sa Kentex.

Dahil hindi lehitimong contractor ang CJC, ayon sa DoLE, ang Kentex ang magbabayad sa mga trabahador.

Umabot sa P7.8 milyon ang inisyal na babayaran ng Kentex dahil ‘underpaid’ anila ang mga empleyado.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, hindi pa kasama rito ang overnight pay, night shift differential, 13th month pay, holiday pay, vacation, leave pay at maging social security benefits.

Magpapalabas din ang DoLE-NCR ng compliance order para sa mga empleyado ng Kentex na hindi na dumaan sa CJC Manpower Services.

Posibleng sampahan din ng kasong kriminal ang may-ari ng pabrika dahil sa paglabag sa labor laws.

Welding sanhi ng Kentex fire

KINOMPIRMA ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force na ang pagwe-welding ang sanhi sa naganap na sunog sa pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City na ikinamatay ng 72 katao.

Ito ay batay sa resulta ng imbestigasyon ng binuong probe team.

Ayon kay Fire Supt. Renato Marcial, tagapagsalita ng binuong investigating team, lumalabas na ang pagwe-welding ay nakaapekto sa mga kalapit kemikal na siyang pinagsimulan ng sunog.

Sinabi ni Marcial, nagbigay na ng kanilang pahayag ang mga nakaligtas, empleyado, mga may-ari ng pabrika at maging ang mga nagsagawa ng welding.

Pahayag ni Marcial, dinedetermina na lamang ngayon ng task force kung sino-sino ang mga kakasuhan mula sa Kentex at nagpabayang mga opisyal ng Bureau of Fire Protection at Valenzuela City local government.

Hindi pa matukoy ni Marcial kung kasamang kakasuhan ang welder o gagawin siyang testigo dahil itinuturing ng task force ang nasabing welder bilang “person of interest.”

Tiniyak ni Marcial, bago matapos ang buwan kanila nang isusumite kay DILG Secretary Mar Roxas ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Kaso ituloy (Hiling sa kaanak ng Kentex fire victims)

HINIKAYAT ng grupong Justice for Ozone Victims (JOV) ang mga biktima ng pabrikang natupok sa Valenzuela City na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga may-ari ng Kentex Manufacturing Corporation.

Ito’y sa harap ng mga naungkat na paglabag ng pamunuan ng pabrika sa safety at health standards, itinuturong sanhi kung bakit hindi nakalabas mula sa nasusunog na gusali ang karamihan sa 72 namatay noong Mayo 13.

Ikinatwiran ni JOV President Joseph Stephen Santos: “Dapat nilang ituloy kasi para pagbibigay na rin ng respeto sa mga kamag-anak nilang namatay, para kahit papaano, maisip nila na hindi sila namatay nang walang dahilan.”

Labinwalong taong isinulong ng JOV ang hustisya para sa mga mahal sa buhay na kabilang sa 162 namatay nang ma-trap sa nasunog na Ozone Disco noong Marso 18, 1996.

Wala pang nakukulong sa itinurong may pananagutan sa naturang trahedya makaraan umapela sa Supreme Court laban sa hatol na guilty na ibinaba ng Sandiganbayan laban sa kanila.

Binanggit ni Santos, “Hinihintay din namin kasi gusto talaga naming mapatupad ito (pagkakakulong ng mga may sala) para hindi na tularan ng ibang negosyante. Siguro kung naipatupad ito, baka kahit papaano e nag-isip-isip din ang ibang negosyante natin na gawing talagang tama ang disenyo ng kanilang mga gusali.”

Kentex owners nasa bansa pa

ITINANGGI ng anak ng may-ari ng Kentex Manufacturing Corporation na tumakas na palabas ng bansa ang pamunuan ng pabrika.

Ayon kay Barbara Ang, nananatili pa rin sa bansa ang kanyang amang si Veato Ang ngunit hindi na makaharap sa publiko dahil sa edad niya.

Habang ang isa pang may-ari na si Terence King Ong ay nagpapagaling pa sa ospital kasabay ng pagdadalamhati ng kanilang pamilya kasunod na rin ng namatay na kaanak sa sunog.

Paliwanag ni Barbara kung bakit nauna pang tumulong ang mga ahensiya ng gobyerno kaysa pamunuan ng pabrika, ito’y dahil kasamang namatay sa sunog ang kanilang key personnel.

Gayonpaman, tiniyak niyang hindi nila tatalikuran ang obligasyon sa mga biktima ng sunog na kumitil sa 72 buhay.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *