WALANG kasong plunder na kinakaharap si Parañaque city Mayor Edwin Olivares at ang 13 opisyal na kinabibilangan ng buong miyembro ng Sangguniang Panlungsod, taliwas sa mga nalathala sa ibang pahayagan (broadsheets) kamakailan.
Pinaniniwalaang manipulado ng mga kalaban sa politika na pawang kritiko ng administrasyon ng alkalde ang layunin ng pagpapakalat ng nasabing kaso.
Kamakailan, napaulat na mayroon umanong kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman laban kina mayor Olivarez, kabilang sina vice-mayor Jose Enrico Golez, mga councilor na sina Rufino Allanigue, John Ryan Yllana, Merlie Antipuesto, Vincent Kenneth Favis, Florencia Amurao, Brillante Inciong, Roselle Nava-Tan, Joan Villafuerte, Maritess de Asis, Jacqueline Bustamante-Mendoza, city legal officer Atty. Rommel Frias, at city treasurer Anthony Pulmano.
Sinabing ang kasong plunder ay may kaugnayan sa tax obligations ng nasabing grupo ng mga kompanya sa ilalim ng compromise agreement ng dating administrasyon ng Parañaque sa panahon ni dating Mayor Florencio Bernabe Jr., at ng DM Wenceslao and Associates, Inc., Wendel Holdings Corp., Inc., Fabricon Manufacturing Corp., at Asian Holdings Inc., pawang miyembro ng Wenceslao Groups.
Nabatid na nitong nakalipas na Nobyembre 1 (2014), bago ang execution ng compromise agreement, sa panig ng Parañaque city government at ng Wenceslao Groups, iba’t ibang kasong sibil at administratibo ang dinidinig sa iba’t ibang korte.
Nabatid na ang dating administrasyon ay nagkaroon ng compromise agreement, petsa Oktubre 13, 2008 na pagkakalooban ng 50 porsiyentong tax credit at limang taon na tax holidays sa kanilang real property tax ang Wenceslao Groups, base sa nakasaad sa Ordinance No. 07-11,
Isang memorandum of agreement noong nabanggit ding petsa ang dininig at inaprubahan sa Court of Appeals, kahit hindi umano dumaan at narebisa ng Sangguniang Panlungsod ng Parañaque.
Gayonman, ang motion for reconsideration na inihain ng dating administrasyon, dahil hindi nagdaan sa Konseho, ay ibinasura ng court of appeals, hanggang umakyat sa korte suprema.
Nang maupo bilang alkalde si mayor Edwin Olivarez noong 2013, nagkaroon ng pag-uusap ang Wenceslao Group at lokal na pamahalaan ng Parañaque.
Sa isang amicable settlement, nagkasundo ang Wenceslao Group at administrasyong Olivarez ,sa bisa ng aprubadong resolusyon bilang 13-076.
Nakasaad sa nasabing resolusyon ang terms and conditions ng pagbabayad ng real property tax ng Wenceslao Groups ng 50 percent tax credit at walang kasamang limang taon na tax holidays.
Noong panahon ng administrasyon ni Bernabe, nagbayad umano ng kanilang buwis ang Wenceslao Groups ng hindi kukulangin sa p400,000 milyong piso, hanggang sa taon 2014.
Sa kasalukuyan, y malinis at bayad sa kanilang pagkakautang sa real property tax ang Wenceslao Groups at maituturing na isa sa malalaking kompanya na nagbabayad ng kanilang buwis sa pamahalaang lungsod ng Parañaque.
Jerry Yap