HINDI prayoridad ng administrasyong Aquino ang pagsasabatas ng National ID System Law ngunit wala itong planong harangin ang pagpasa nito sa Kongreso.
“Antabayanan natin ang proseso ng pagsasabatas dito. Sa ngayon ay batid lang natin ‘yung update hinggil sa pagpapasa nito sa Kamara, kailangan ang katuwang na Senate bill. Hindi ito kasama sa mga priority bill ng administration, kaya hihintayin na lamang natin kung ano ang pasya ng buong Kongreso,” ayon kay Communication SEcretary Herminio Coloma Jr.
Nagbabala si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na ang pagpasa sa Filipino Identification System Act na tahimik na ipinalusot sa Kamara nitong nakalipas na Martes ay hudyat ng posibilidad nang pakikialam ng gobyerno sa privacy ng mga mamamayan o “ Martial Law type of surveillance.”
Habang nakatutok ang publiko sa pagboto ng mga kongresista sa mga probisyon ng Bangsamoro Basic Law, lumusot sa plenary ang House Bill 5060 o Filipino Identification System Act na may layuning pag-isahin ang lahat ng government-issued IDs sa isang national information card upang mabawasan ang mga transaksyon sa pamahalaan, at makatulong sa pagsusulong ng progresibong pagbibigay ng batayang serbisyo sa mga mamamayan.
Kapag naisabatas ang HB 5060, bawat Filipino, nasa bansa man o nasa abroad, ay kailangang magparehistro para sa National ID na habambuhay ang bisa.
Puwede lamang palitan ito kapag 18-anyos na ang paslit, kapag may papalitan sa pangalan alinsunod sa utos ng korte o nag-asawa na ang isang babae, kapag nawala o nasira ang ID card, kapag umabot na sa 60-anyos ang edad at may pagbabago sa hitsura dulot ng edad o retoke.
Rose Novenario