HINDI na pala mga ‘bobo-tante’ ang dapat sisihin kung bakit nasasadlak sa kahirapan ang Filipinas.
Kahit kasi immoral ang pagbebenta ng boto at pagtangkilik sa mga magnanakaw na kandidato, ginagawa pa rin ito ng mga ‘bobo-tante.’
Ngunit mukhang magiging normal na sa lipunang Filipino ang magkaroon ng mga adik at mandarambong sa gobyerno dahil sa mga ‘pilipit’ na desisyon ng Korte Suprema.
Si Joseph “Erap” Estrada na pang-sampu sa pinakatiwaling lider sa buong mundo ay pinahintulutan ng Korte Suprema ang kandidatura bilang mayor ng Maynila kahit pinatalsik bilang Pangulo noong EDSA 2 noong 2001 at hinatulang guilty sa kasong pandarambong noong 2007.
Mismong mga dating mahistrado ng Sandiganbayan na nag-convict kay Erap sa kasong plunder ay sumirko ng 360 degrees nang magpasya na qualified mayoralty bet si Erap dahil sa pardon na ibinigay ni GMA.
Balewala na ang kasong plunder ngayon na matapos ma-convict o mahatulang guilty ang akusado ay uutuin na lang niya ang Presidente para bigyan siya ng pardon at presto, makababalik na siya sa pagsalok sa kaban ng bayan.
Isa pang nakaaalarmang pasya ng Korte Suprema ang pagkatig sa eleksiyon ni Ronald Singson bilang gobernador ng Ilocos Sur kahit ito’y convicted drug offender sa Hong Kong.
Nakakatakot nang mag-isip ang mga mahistrado ngayon ng SC dahil para sa kanila ang pagdadala pala ng illegal na droga ay hindi na immoral, kahit ipinagbabawal ng batas.
Kung ganito ang takbo ng pag-iisip ng mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman, papayag na lang ba tayong tuluyang gumuho ang moralidad at rule of law sa ating bansa?
Ang tanong, kanino natin isusumbong ang maling desisyon ng SC?
Modus sa BI, gasgas na
PARANG gasgas na plaka na ang modus-operandi ng mga tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) para gatasan ang mga dayuhan.
Nagpasalamat pa kunwari si Immigration Commisioner Siegfried Mison kamakailan nang pabalikin na sa Japan ang longest staying detainee sa ‘Pinas ang 47-anyos na Hapones na si Junichi Inoue.
Si Inoue ay wanted sa kasong robbery sa Japan pero may mga kaso rin sa bansa na paglabag sa Batas Pambansa 22 o Anti-Bouncing Check Law.
Sa halip na pabalikin sa Japan para panagutan ang kasong robbery, ipiniit siya ng BI sa kanilang detention center habang nililitis ang kasong pagtalbog ng mga inisyung tseke dito.
Ang kaso ni Inoue ay maaaring bahagi ng modus ng BI na matagal na nating sinasabi.
Sila mismo ang nagtuturo sa mga puganteng dayuhan ng diskarte para may dahilan silang hindi maipatupad ang deportation order.
Ibig sabihin, mag-iimbento sila ng kaso laban sa puganteng dayuhan kapalit ng malaking halaga para hindi mapabalik sa kanyang bansa.
Ginagawang milking cow ng mga tiwaling immigration personnel ang puganteng dayuhan habang nandito at kapag ubos na ang pera, saka ipapatapon dahil wala nang pakinabang.
Gaya na lamang ng kaso ng Korean fugitive na si Kim Tae Dong na nakatakas habang nasa kustodiya ng BI noong Disyembre 2011.
Si Kim ay dinakip ng BI agents noong Hulyo 11 bunsod ng request ng Korean Embassy dahil wanted siya sa kanilang bansa sa panlilinlang sa mga sugarol sa Walkerhill Hotel.
Nakapagtataka na naisyuhan ng working visa si Kim ng BI kahit pinaghahanap siya ng mga awtoridad sa South Korea.
Wala tayong nabalitaan na nasibak o naimbestigahan sa pagbibigay ng working visa kay Kim.
Balita natin, sa halip na i-turnover sa Korean Embassy si Kim ay “Itinago” pa siya sa St. Luke’s Hospital at doon na nga pinatakas.
Magugulat pa ba tayo kung malaki ang inihatag ni Kim sa BI para lang huwag mapabalik sa South Korea upang matakasan ang selda roon?
Dapat maging patakaran sa BI, kapag hindi mabigat o heinous crime ang kaso dito ay ipatupad ang deportation.
Lokohin na lang ni Mison ang Lelong niyang negro, kasi bistado na ang raket na ‘yan ng mga tiwaling opisyal at tauhan ng BI.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])