SA kasalukuyang estado nina DILG Secretary Mar Roxas at Korina Sanchez-Roxas, tiyak na marami rin ang nagtatanong o nakaiisip kung ano ba sila off camera o wala sa pinagsisilbihang departamento? O ‘yung ano ba sila kapag nasa bahay na nila o ‘yung silang dalawa lang?
Lahat ng katanungang ito’y nasagot ni Ate Koring minsang nakahuntahan namin ito. Rito ibinuko ni Ate Koring na tulad din sila ng mga pangkaraniwang mag-asawa na simple pagdating sa kanilang tahanan. Lalo na raw si Sec. Mar na malayo sa kung ano ang nakikita natin kapag ginagawa na ang tungkulin bilang isang DILG secretary. Nasabi rin ni Ate Koring na hindi nila pinag-uusapan ang kani-kanilang trabaho sa kanilang oras bilang mag-asawa, at enjoy silang manood ng mga pelikula at ng kanilang paboritong mga serye sa telebisyon. Gustong-gusto rin nilang makipaglaro at alagaan ang kanilang tatlong pet dogs.
Sa kasalukuyang status nina Kuya Mar at Ate Korina bilang isa sa mga certified power couples ng bansa, madaling i-assume na mga sosyal at mamahaling activities ang ginagawa nila sa kanilang libreng oras.
Nalaman naming nakapagbakasyon din outside Manila ang mag-asawa. Naikuwento kasi ni Ate Koring na madalas silang mag-camping ni Kuya Mar pero sa labas lang ng bahay ng mga Roxas sa may Araneta Cubao. Pero kamakailan, nag-camping at nag-hiking sa kagubatan ng Baguio City ang dalawa.
Nakaaaliw at refreshing na malaman ito dahil parehong napaka-hectic ng schedule nila. Busy si Kuya Mar sa kanyang duties bilang interior and local government secretary habang si Ate Korina naman ay pinagsasabay ang pag-aaral (kinukuha niya ngayon ang kanyang Masters sa Journalism sa Ateneo) at ang kanyang hosting job sa long-running weekly magazine show na Rated K, na nagdiriwang ng ika-10 anibersaryo bilang isa sa mga consistent top-rating programs ng ABS-CBN.
Mababaw lang ang kaligayahan ng dalawa dahil simple at healthy na recreation tulad ng camping at hiking ang trip nila.
“Nag-enjoy ako kasama si Mar noong kami ay nag-camping. Ayon kay Mar, ‘yun daw ang best vacation na ibinigay ko sa kanya,” sabi ni Ate Koring. ”Isa siyang frustrated MacGyver. He’s an all around guy who loves nature and the basics in life. Siyempre he had to teach me the ropes, literally. Gumamit kami ng maraming lubid para itayo ang aming outdoor shelter. And he taught me how to tie different kinds of knots, something new and exciting. Rekomendado ko ito sa mga couple na gusto ng bonding. What better way but to rely on just each other and nature, parang Adan at Eba lang.”
ni Maricris Valdez Nicasio