Nanawagan ang mga residente ng Olongapo City kay Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na pakilusin ang pulisya upang mapigil ang lumalalang kriminalidad sa mga lansangan ng lungsod tulad ng patayan at panghoholdap.
Nitong nakaraang Marso 25, nag-post sa kanyang Facebook account ang residenteng si Oliver Tolentino hinggil sa nakaaalarmang dalawang patayan sa loob ng isang linggo sa Brill St. sa West Bajac-Bajac.
“Is this just coincidence? Two killings in a week in one barangay, the first happened last Friday at the corner of 20thand Brill Streets. The other maybe an hour ago, ” sabi ni Tolentino sa kanyang FB account.
Kinilala ni Olongapo City Councilor Jong Yorac Cortez ang napatay na Christopher Ocampo alyas “Boyet” na base sa impormasyon mula sa mga opisyal ng barangay ay tsuper ng colorum taxi at nasangkot sa ilegal na droga.
Maging ang mga residente ng Tabacuhan at Balic-Balic Sts. sa Brgy. Santa Rita ay nagpahayag ng takot sa mga naglipanang kriminal na nambibiktima sa lansangan malapit sa Olongapo Memorial Park.
“Nagiging tambakan ang Memorial Park ng mga taong hinoholdap at pinapatay ng mga elementong kriminal,” sabi ng residenteng si Romeo de Guzman.
Iniulat din ng mga residente ang lantarang panghoholdap sa iba pang lugar tulad ng nangyari kay Jacel Ann Salaveria, 18, ng Tabacuhan, Brgy. Sta. Rita, na patawid lang sa Kalaklan Bridge dakong 10:30 ng umaga nang tutukan ng patalim at matangayan ng cash, cellular phone at iba pang gamit.
“It looks like that when it comes to peace and order, and the administration of Olongapo is unreliable. Sorry, but I just noticed, almost every day or every minute somebody is posting crimes that happened in the city. To our leaders, don’t wait until your relatives became victims before you act,” ang post naman ni Rohmee Ecleo sa kanyang FB account.