MALAKI ang pasasalamat ng komedyanteng si Atak Araña kay Direk Wenn V. Deramas sa pag-alalay sa kanyang showbiz career. Itinuturing niyang mentor si Direk Wenn.
“Pang-apat ko nang teleserye itong Flordeliza,” saad niya na idinagdag pang tiniyak muna raw ng box office direktor kung kakayanin ba niya ang role dito.
“Umpisa pa lang, tinanong niya ako, ‘Kakayanin mo ba ito?’ Kasi sa make-up pa lang, one hour and a half, ‘yung pagtanggal nito ay thirty minutes. So, two hours lahat, sa make-up pa lang. Parang ita or ethnic kasi ang papel ko rito, si Buslog.
“Tapos si direk, sinabihan niya talaga ako na dagdagan ko pa yung acting dahil kailangan makasabay ako sa mga kasama ko rito. Kaya inaral ko talaga yung mga galaw nila Tetchie Agbayani, Jolina, Marvin, Joey Paras, Desiree del Valle. Then si Direk Wenn, ‘pag hindi ka makaiyak, kakausapin ka niya.
Pagdating ng ilang minuto, iiyak ka na. Ganoon siya kagaling e,” mahabang saad ni Atak.
Nasabi pa ni Atak na Buslog na ang tawag sa kanya ng iba. “Iyong mga dumadating na subscribers ng TFC na matatanda, tinatawag ako na Buslog. Natutuwa sila kasi ang story daw ay kasuba-subaybay, nagagandahan sila.”
Bukod sa Flordeliza, napapanood din si Atak sa on-line show ng push.com.ph ni John Lapus titled Korek Ka John! Part din siya ng bagong pelikula ni Direk Wenn na pinamagatang Wang Fam na ala Adams Family ang tipo. Bukod kay Atak, tinatampukan din ito nina Pokwang, Candy Pangilinan, Benjie Para, Andre Paras, Yassi Pressman, at iba pa.
Masasabi mo ba na si Direk Wenn ay parang guardian angel mo?
“Opo, talagang ganoon ka-supportive sa akin si Direk Wenn. Plus, andyan din ang manager ko na si Tita June Rufino at Luis Manzo. Dahil andyan sila lagi hindi lang para magpayo at maging gabay ko, kundi para tumulong lagi sa akin.”
ni Nonie V. Nicasio