ISINISI ng Palasyo sa China ang pagtindi ng tensiyon sa South China Sea.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., nagiging matingkad ang tensiyon bunsod nang isinasagawang reclamation activities at paggamit ng teoryang ‘nine-dash-line’ ng China sa kabila ng malinaw na isinasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ang pahayag ni Coloma ay bunsod ng napaulat na walong beses na itinaboy ng Chinese Navy ang US surveillance plane P-8A na nasa himpapawid ng South China Sea dahil nasa military alert zone nila ito kaya’t dapat lisanin agad ng mga Amerikano.
Base sa report, kalmado ang tugon ng US pilots na ang area ay itinuturing na international airspace.
Giit ni Coloma, walang epekto sa paninindigan ng administrasyong Aquino sa South China Sea ang mga bagong kaganapan.
“Hindi natitinag ang ating posisyon hinggil sa kahalagahan ng pagpapairal ng freedom of navigation, freedom of aviation, at ng international law dito sa pinag-uusapang lugar. Kaya hindi naman ito naaapektohan ng mga bagong kaganapan. Sabihin na lang natin na consistent at hindi natitinag ang ating posisyon hinggil dito,” sabi niya.
Nauna rito, tiniyak ni Assistant Secretary of State Daniel Russel na ikinokonsidera ng US ang pagpapadala ng military aircraft at ships sa paligid ng pinag-aagawang teritoryo sa South Chian Sea upang matiyak ang “freedom of navigation” sa paligid ng Chinese-made islands.
Rose Novenario