HINIHINALANG pinatay ng isang Japanese national ang kanyang mag-ina at pagkaraan ay nagtangkang magpakamatay ang suspek sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang sarili sa Parañaque City.
Kinilala ang mga biktimang sina Raquel Ura, 43, at Kenji Alexis, 13, grade 8 pupil, kapwa nakatira sa Unit 20, Bayview Garden Homes 3, Roxas Blvd., Brgy. Tambo ng naturang lungsod, hinihinalang pinatay sa sakal.
Habang kritikal ang kalagayan sa San Juan de Dios Hospital ang suspek na si Yoshihiko Ura, nasa hustong gulang, ng nasabi rin lugar.
Base sa report na natanggap ni Senior Supt. Ariel L. Andrade, hepe ng Paranaque City Police, dakong 5:30 a.m. nang matagpuan ni Concordia Martin, ina ni Raquel, ang kanyang manugang na si Yoshihiko habang duguan sa loob ng comfort room ng kanilang master’s bedroom sa ikalawang palapag ng Unit 20, Bayview Garden Homes 3, sa Roxas Boulevard, Brgy. Tambo.
Sunod na natagpuan ni Martin ang kanyang anak na si Raquel at apong si Kenji Alexis na wala nang buhay sa kama ng isa pang kwarto.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District Office (SPDO), may nakitang mga marka sa leeg ng mga biktima, palatandaan na sila ay sinakal.
Wala rin nakitang senyales ang SOCO na may naganap na forcible entry sa kanilang unit at walang nawawalang kagamitan kaya masasabing walang nakapasok na ibang tao.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
Jaja Garcia