PERSONAL na dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang misis ng dalawang contractor ng NAIA Terminal 1 check-in counter makaraan mabigong makabalik sa kani-kanilang tahanan, apat buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay NBI Agent Aldrin Mercader, ng Anti-Organized Crime Division, noong Pebrero pa dumulog sa kanilang tanggapan sina Susan Labonete at Nympha Eguna at inireklamo ang pagkawala ng kanilang asawa na si Engr. Evan Labonete, 52, general manager ng Civtric Trading and Services; at kapartner sa negosyo na si Nicomedes Sierra Eguna.
Sa press conference sa NBI, sinabi ni Susan, huli niyang nakita ang kanyang mister noong Enero 19, 2015 makaraan ihatid sa Shopwise Supermarket sa Commonwealth Avenue, Quezon City dakong 10:30 a.m.
Nakapag-text pa aniya si Evan at sinabing nasa Binondo siya at papunta sila sa Cainta para tingnan ang site ng isa niyang proyekto at maging si Eguna ay nakapag-text din sa kanyang misis dakong 3 p.m. ngunit hindi na ito nasundan pa.
Nalaman sa imbestigasyon ng NBI, tatlong beses nakapag-withdraw ang isang hindi nakilalang lalaki sa ATM ni Evan noong Enero 19, at ang pinakahuli ay noong Enero 21 sa Metrobank, Angono, Rizal, at ang suspek ay inilarawan ng NBI na nasa edad 25-35 base sa nakuhang larawan sa ATM machine.
Hiningi ng NBI ang tulong ng publiko dahil hanggang sa kasalukuyan ay nasa “blank wall” pa rin ang kanilang imbestigasyon sa kaso.
Hindi anila humingi ng ransom sa pamilya ng dalawa ang mga suspek ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila nakababalik sa kanilang pamilya.
Nalaman na ang mga biktima ang nakakuha ng kontrata ng NAIA Terminal 1 checking counter phase 1 ngunit hindi na nila nagawa ang phase 5 dahil nawala na silang dalawa. Umapela sa publiko ang NBI para sa pagkakakilanlan ng lalaking nag-withraw sa ATM ni Evan para ma-resolba ang pagkawala ng dalawang biktima.
Nakahanda anila ang pamilya ni Evan na magbigay ng maliit na pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakilanlan ng suspek.
Leonard Basilio