DAVAO CITY – Bagong anggulo ang tinututukan ng pulisya sa nangyaring massacre kamakalawa sa Phase 4, Residencia del Rio Subdivision, Catalunan Pequeño, Davao City, na apat ang patay.
Pinaniniwalaang hinalay muna ang isa sa mga biktima bago pinatay.
Sa imbestigasyon, nakakuha ang mga awtoridad ng suicide note sa silid kung saan nakita ang bangkay ng isa sa mga biktima na si Liezel Borongan, alyas Inday, 12.
Nakasaad sa suicide note ang paghingi ng tawad dahil sa kahihiyan na ibinigay niya sa pamilya at hindi raw niya gustong umuwi pa.
Pinaniniwalaang si Philip Sacro Salazar alyas Dongkoy, isa sa mga patay, ang may-ari ng suicide note.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naiwan sa silid ni Inday ang brief, short at t-shirt ni Dongkoy.
Wala rin suot na brief si Dongkoy nang matagpuang nakabulagta sa sala at siya ang may pinakasariwa pa ang dugo sa katawan.
Isinailalim na rin sa autopsy ang bangkay ng mga biktimang sina Ceasar Anne Sacro Omila, 12; Virginia Omila, 58, ‘Dongkoy’ at ‘Inday.’
Dinala na sa crime laboratory ang DNA sample nina “Inday” at “Dongkoy” makaraan makita sa forensic investigation ng SOCO na may laceration sa ari ni Inday kaya posibleng ginahasa nga siya.
Samantala, nasa kustodiya pa ng DCPO ang stepfather na si Ramon Curay.
Ang live-in partner ni Curay na si Vijealine Sacro Omila ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Japan.
Si Curay ang isa sa itinuturong mga suspek sa krimen dahil nilinis ang bahay bago dumating ang mga pulis sa lugar.