NATUKLASAN ng Senado na dagdag gastos lamang para sa mga may-ari ng sasakyan ang pagpapalit ng plate number at wala nang iba pang pakinabang sa car owners.
Ito ang napatunayan sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee sa P3.8 billion license plate deal ng Land Transportation Office (LTO).
Hindi naitanggi ni LTO Chief Alfonso Tan ang sinabi ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na walang pakinabang ang publiko sa pagpapalit ng plate numbers kundi dagdag pabigat lamang sa mga may-ari ng sasakyan.
Aminado si Tan, na standardization lang talaga ng mga plaka ang pagpapalit ng disenyo ng plate number.
Wala sanang problema kay Recto kung ‘yung mga bagong iparerehistrong sasakyan lamang na wala pang plaka ang bibigyan ng bagong plate number ngunit desmayado ang senador dahil mistulang ginawang sapilitan ng LTO ang pagpapalit ng plaka kahit sa mga maayos at walang problemang plaka.
Kaugnay nito, iginiit ni Recto na huwag gawing mandatory sa lahat ng sasakyan ang pagpapalit ng bagong plaka at tiyaking available ang plate number sa oras na magbayad ang nagpaparehistro ng sasakyan gayondin ang sticker para sa nagre-renew.