HINDI alinsunod sa Saligang Batas ang inaprobahang bersiyon ng House ad hoc committee sa Bangsamoro Basic Law (BBL), ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Partikular na pinuna ng senadora na kilalang constitutionalist, ang probisyon kaugnay ng mga isyu sa sovereignty, autonomy, pagbuo ng sub-state, at territorial integrity.
“Under constitutional language, nothing of value may be exclusively allocated to any territorial part of the Philippine archipelago,” wika ng senadora.
Kinuwestiyon din ni Santiago ang kapasyahan ng House panel na mananatili sa BBL draft ang kapangyarihan tulad ng “reserved powers reside only on the national government; concurrent powers are shared; while exclusive powers rest solely on the Bangsamoro government.”
Ayon sa senadora, lumalabas na halos kapantay na ng Bangsamoro government ang national government kung maisabatas ito.
“The concept of ‘concurrent powers’ and ‘exclusive powers’ tear as under the supreme authority possessed by the sovereignty of the people. These will make the Bangsamoro government co-equal with the national government, and thus a subs-state,” diin ng mambabatas.
Kabilang din sa pinuna ni Santiago ang aniya’y pagkaloob sa Bangsamoro government ng “extensive taxing and revenue raising powers,” samantala suportado pa rin aniya ng national government sa pananalapi.
“Effectively, the Bangsamoro government will have seceded from, yet remain financially supported by the Philippine government,” ani Santiago.
Binigyang diin pa ng senadora na kahit pa pinalitan ang pangalan ng BBL sa Basic Law of the Bangsamoro Autonomous Region, ay hindi pa rin ito garantiya na maipasa sa Kongreso ang panukala maliban na lamang kung tatanggalin ang mga probisyon na aniya’y labag sa Saligang Batas.
Babala ng senadora, ang pagpasa ng BBL na labag sa Konstitusyon ay lilikha lamang ng reklamo sa Korte Suprema.
Inaasahan na sa susunod na linggo ay tatalakayin na sa plenaryo ng Kamara ang BBL makaraan maipasa sa komite.
Habang sa Senado ay nagsasagawa pa ng pagdinig ang Senate Local Government Committee ni Sen. Bongbong Marcos.