ni Reggee Bonoan
NAPANOOD namin ang pelikulang Edna, ang boses ng mga OFW na pinagbidahan ni Irma Adlawan na idinirehe naman ni Ronnie Lazaro na produced ng Artiste’s Entertainment na pag-aari ni Tonet Gedang sa UP Film Center noong Lunes ng gabi.
Na-depress kami sa pelikula dahil ipinakita ni Edna na naging OFW ng 10 taon sa ibang bansa ay nagtiis para lang sa pangarap nito sa mga anak.
May mga sandaling natutulala si Edna at nagkaroon ng diperensiya sa tenga na dala marahil ng hirap nito bilang caregiver.
Bagamat hindi ipinakita sa pelikula,pakiramdam namin ay baka nga na-rape pa siya dahil noong akmang gagalawin siya ng asawang si Ronnie ay nagpupumiglas siya at nagsisigaw bagay na ikinagulat ng asawa.
Iisa lang ibig sabihin niyon, may trauma si Edna sa ganoong sitwasyon.
Sa 10 taong pamamalagi ni Edna sa ibang bansa ay wala siyang palya sa pagpapadala ng pang-matrikula sa mga anak lalo’t nag-aaral daw ng medisina ang panganay nitong si Nicco Manalo at panggastos naman para sa asawang si Ronnie.
Nang umuwi si Edna ay umasa siyang doktor na ang kanyang anak, pero laking gulat nito dahil coach sa basketball pala ang trabaho nito at ang masama ay inilihim ito ng buong pamilya sa kanya.
Nalaman din ni Edna na ang kanyang anak na babae ay naging kabit ng lalaking may edad sa kanya at may mga anak pa na ginagastusan pa.
Ang bunsong anak na si Carl na ipinagkatiwalang alagaan sa hipag niya ay nalaman niyang minamaltrato pala dahil nakita niyang puro pasa ang katawan.
At ang magaling niyang asawang si Ronnie ay wala naman palang naipundar sa mga padala niya dahil pawang lugi sa mga dyip na pamasada dahil laging sira raw.
Pero ang ikinatataka ni Edna ay kung bakit ang inaanak niya ang nagmamaneho ng dyip na sinasabing binili ng asawa niya na galing sa pera niya at pati ang ibinigay nitong bagong sapatos ay suot din ng inaanak na ginagampanan ni Kiko Matos.
Na-shock din si Edna na naging pasugalan na ang bahay nila at higit sa lahat, maraming sira ang nabubulok na bahay dahil tinirhan na ito ng malalaking daga.
Nagkaroon sila ng pagtatalong mag-asawa hanggang sa nilayasan siya nito at nakitira sa inaanak ni Edna na si Kiko na siya ring namamasada ng dyip nila.
Hanggang sa pinuntahan ni Edna sa bahay nito si Kiko at naabutang naroon ang asawa at nakitang naghalikan sa lips ang dalawang lalaki na labis nitong ikinabigla at sabay uwi ng bahay at nagwala at itinaob ang mga lamesang pasugalan.
Naisip ni Edna na lasunin ang lahat ng taong nagsusugal at pamilya niya sa pamamagitan ng lason sa daga, pero nanaig pa rin ang pagiging ina nito para sa bunsong anak at sinabi nga niya na bigong-bigo siya sa mga anak niya at muli siyang susugal sa ibang bansa para sa kinabukasan ng bunsong anak.
Pero bago umalis si Edna sa bahay nila ay isinulat niya sa malaking papel ang katagang, “Putang Ina Ninyong Lahat” na ipinaabot sa bunso niyang anak.
Nagustuhan namin ang takbo ng istorya ni Edna na isang OFW dahil nangyayari ito sa tunay na buhay na may kakilala nga kaming kapareha niya ng istorya sa buhay.
Graded A ang nakuha nitong ratings sa Cinema Evaluation Board at palabas na ito sa SM North Edsa, SM Megamall, SM Sta. Mesa, SM Bacoor, at Sta. Lucia.