IKINOKONSIDERA ng Senado ang posibilidad na gawing state witness ang isa sa itinuturong mga dummy ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, isa sa mga nangunguna sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee sa mga alegasyon ng katiwalian laban sa mga Binay, maaaring proteksiyonan ng Mataas na Kapulungan si Gerry Limlingan. Si Limlingan ang sinasabing finance officer at isa sa mga ginagamit ng pamilya Binay para itago ang kanilang mga yaman.
Sabi ni Cayetano, nagkaroon na rin ang Senado ng ganitong alok gaya sa kaso ni da
ting Ilocos Sur Governor Chavit Singson laban kay dating Pangulong Joseph Estrada, Jun Lozada ukol sa NBN-ZTE deal, at Benhur Luy ukol naman sa pork barrel scam.
“The offer is there. We have to solve corruption in our country,” ayon sa senador.
Gayonman, dapat aniyang magdesisyon agad ni Limlingan lalo’t may mga ebidensiya nang nakalap ang Anti Money Laundering Council (AMLC) ukol sa bank accounts ng pamilya Binay.
Matatandaan, kabilang ang bank accounts ni Limlingan sa mga ipina-freeze ng AMLC.
Isa rin si Limlingan sa mga sinusubukang arestohin ng Senate sergeant-at-arms makaraan aprubahan ni Senate President Franklin Drilon ang contempt laban sa kanya at anim iba pa kaugnay pa rin ng mga alegasyon ng katiwalian laban sa mga Binay.