ni Maricris Valdez Nicasio.
IKOMPARA man o hindi si Coco Martin kay Da King Fernando Poe Jr., sa paggawa nito ng Ang Probinsyano, kailangan pa ring magsanay at malaman ng batang actor kung paano gamitin ang tinatawag na rapido punch ni FPJ gayundin ang mabilis na pagbaril nito.
Kaya naman ngayon pa lang ay nagsasanay na si Coco ng pagsuntok-suntok sa pamamagitan ni veteran fight instructor Val Iglesias. Nakita rin naming nagtungo siya sa PNO office para sa orientation at briefing ukol siguro sa mga bagay-bagay sa isang pulis.
Kahanga-hanga ang dedikasyon ni Coco sa paggawa ng Ang Probinsyano dahil talagang naglalaan siya ng extra effort para matiyak na hindi niya mabibigo ang kanyang fans gayundin ni FPJ sa muling pagpapalabas ng Ang Probinsyano.
Ang Probinsiyano ay malaking hamon at susubok sa kakayahan ni Coco na gaganap bilang Ador, isang alagad ng pulisya. Ito ay pamamahalaan ng Dreamscape Entertainment ng ABS-CBN 2.
Sa pagtutulungan ng ABS-CBN at ng FPJ Productions, Ang Probinsyano ang pinakabagong FPJ classic na bibigyang buhay sa telebisyon na magpapakita ng tunay na kabayanihan ng mga alagad ng batas.
Anang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces, ipinagkatiwala ng Da King ang lahat ng kanyang pelikula sa FPJ Productions sa ABS-CBN president at CEO na si Charo Santos-Concio.
Makakasama nina Coco at Susan sa TV adaptation ng Ang Probinsyano sina Albert Martinez, Angeline Quinto, Arjo Atayde, Bela Padilla, at Jaime Fabregas. Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Avel Sunpongco at Malu Sevilla.