“SIGURUHIN na ang kalidad ng edukasyon ay makakamit ng lahat na nagnanais makapag-aral lalo na ang walang kakayanang tustusan ito.”
Sa mandatong ito ng Commission on Higher Education (CHED), malinaw na ipinahihiwatig na ang pag-aaral ay karapatan ng bawat Pilipino at hindi kinakailangang masagkaan ng kahirapan.
Pero sa realidad, wala itong katotohanan. Sa halip bigyan ng proteksiyon ng CHED ang mga mag-aaral, lumalabas na pinapaboran pa nito ang malalaking negosyante na may-ari ng mga pribadong paaralan.
At sa kabila nang walang habas na pagtataas ng tuition, muli na namang pinahintulutan ng CHED ang 313 private school na magtaas ng kani-kanilang singil sa matrikula.
Bunga nito, asahan din ang pagtaas ng bilang ng dropout at out-of-school youth sa Pilipinas.
Walang magulang na hindi ginustong makapag-aral ang isang anak, pero sa laki ng guguguling salapi para makapasok sa isang pribadong paaralan, napipilitan silang patigilin ang kanilang mga anak sa pag-aaral.
Walang maaasahang proteksiyon sa CHED ang mga magulang at estudyante.
Tama ang panawagang buwagin na lang ang CHED.