SI Interior Secretary Mar Roxas pa rin ang manok ng Liberal Party sa 2016 presidential derby, ayon sa Palasyo.
“LP obviously prefers their own candidate. LP prefers Secretary Mar Roxas,” sabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda hinggil sa kursunada ng administration party na magpatuloy sa “daang matuwid” ng gobyernong Aquino.
Gayonman, igagalang at susundin aniya ng buong kasapian ng LP kung sino man ang ieendoso ni Pangulong Aquino na 2016 presidential bet na ihahayag sa susunod na buwan.
“They will respect, follow, and adhere to the decision of the President,” aniya.
Naniniwala si Lacierda na ang dapat na gamiting batayan ng mga botante sa pagpili ng kandidato ay katapatan at karanasan, imbes magbase lang sa personalidad.
Nasubukan na aniya ng bansa na magkaroon ng pinuno na may integridad kaya’t ang mahalaga ay maipagpatuloy ang magagandang reporma na nasimulan ng administrasyong Aquino upang maiangat ang buhay sa Filipinas.
Rose Novenario