TUTOL ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tanggalin ang number coding scheme sa mga pampublikong sasakyan o public utility vehicles (PUV), dahil higit na magiging mabigat ang daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila.
Ito ang reaksiyon kahapon ng MMDA hinggil sa inihihirit ng isang grupo ng PUVs na huwag silang isama sa coding scheme na ipinatutupad sa Kalakhang Maynila.
Aniya, hindi magandang ideya ang isinusulong ng grupo na alisin ang number coding scheme sa PUVs.
Kahit aniya may ipinatutupad ng number coding ang MMDA, nakararanas pa rin ng pagsikip sa trapiko sa pangunahing mga lansangan ng Metro Manila.
Kapag aniya inalis pa ito sa mga PUVs ay lalo pang titindi ang mabigat na daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila.
Kaya’t ang hamon ng MMDA sa public transport sector, magbigay sila ng ebidensya na magpapatunay na hindi makaaapekto sa kasalukuyang sa trapiko ang kanilang panukala.
Bumuo ng alyansa ang iba’t ibang grupo ang hanay ng transportasyon para isulong na i-exempt sila sa number coding scheme.
Katwiran nila, nagkukulang ang PUVs sa Metro Manila lalo na kapag rush hour at sa pitong milyong sasakyan sa buong bansa, 14 porsiyento lamang ang mga pampublikong behikulo.
Katwiran ni Lino Marable ng Coalition of Operators and Drivers of UV Express, sayang ang nawawalang kita sa kanila sa mga araw na limitado ng coding scheme ang kanilang biyahe. Nabatid na kasama ang operators ng mga bus, taxi, jeep at truck sa alyansang binuo ni Marable para ipanawagang huwag silang isama sa number coding scheme.
Jaja Garcia