KAMAKALAWA habang kumakain kami ng ilang kasamahan sa hanapbuhay sa isang kantina sa Quezon City, ilang pulis Kyusi ang nakasabay natin sa tanghalian – ang kanilang mga ranggo ay PO2 hanggang SPO3.
Habang nanananghalian, isa sa tinalakay namin ay hinggil sa nangyaring trahedya sa Valenzuela City – ang pagkakasunog ng isang pagawaan ng tsinelas nitong nakaraang linggo na nagresulta sa pagkamatay ng 72 manggagawa na nakulong sa loob at nasunog nang buhay.
Hindi naman daw sa naninira ang mga pulis kundi nagsasabi lang sila nang katotohanan na ang may malaking pananagutan sa trahedya ay BFP na nakasasakop sa pagawaan – ang Valenzuela Fire Station.
Paano raw nakalusot sa BFP ang pagawaan kung dumaan naman sa inspeksyon sa kabila ng maraming nakitang violation sa factory.
Taunan naman daw ang inspeksyon kaya napaka-imposibleng hindi makita ng fire inspectors ang violation ng pagawaan ng tsinelas at iba pang mga pagawaan, gusali at ang mga tulad nito.
Hindi naman daw kasi nagbibigay ang city hall ng business permit kung walang clearance mula sa BFP. Kaya, paano raw nakalusot sa BFP ang Kentex, ang pagawaang nasunog? Paano nga ba? Lagayan blues kaya?
Sa patuloy na talakayan habang kami’y kumakain ng pritong galunggong at gulay, ikinuwento ng mga pulis kung paano ang kitaan ng mga inspector ng BFP sa mga establisimyentong kanilang ‘sinasalakay’ tuwing Enero ng bawat taon.
Ang kanilang ibinahagi ay base lang din sa kuwento ng kanilang mga kakilala o batch na pumasok sa BFP.
Sa loob lamang daw ng isang araw, kumikita ang ilang tiwaling fire inspector ng P30,000 hanggang P50,000 kada araw. Halimbawa na lamang daw dito sa Quezon City, napakaraming establisimiyento, club, bar, school buildings, gusali ng mga opisina at iba pa.
Ang bawat napapasadahan, lahat daw ay may violation. Siyempre para hindi na maging abala ang lahat, papatulan na ng mga may-ari ng gusali ang parinig ng mga inspector na madali lang naman silang kausapin o patutsada na may laman.
Hayun, para hindi na maabala pa, papatulan na ng may-ari ang patustada ng mga inspector.
Maraming establisimyento sa Kyusi, pinakamababa daw na lagay ay P5,000 para wala nang aberya. Sa loob daw ng isang araw ay umaabot sa 50 establisimiyento ang sinasalakay’ ng mga inspector. Meaning kung P5,000 ang bawat isa, lumalabas na P25,000 ang kita ng mga hina-yupak.
Ang Kentex ay nakitaan ng mga violation. Ano sa tingin ninyo, kumita ba ang Valenzuela Fire sa mga may-ari ng Kentex?
Kaya, dahil sa estilong ito ng mga tiwali sa BFP, ang mga kababayan natin ang kawawa sa bawat kotong na nakukuha nila.
Bagamat, madalas naman napapaulat na hindi naman daw tumatanggap ng lagay ang BFP. O talaga? Sige na nga, bilang paggalang sa inyong panig.
So, sino ang dapat na managot sa trahedya sa Valenzuela? Ang lokal na pamahalaan ba o ang BFP?
Ano pa man, sana’y makalkal ang katotohanan, para makasuhan ang dapat upang silang panagutin/makulong para matapos na rin ang kotongan na nauuwi sa masamang bangungot.
Dagdag nga ng mga pulis, mas malaki raw ang kotong ng BFP inspectors kaysa mga ka-level nila sa ranggo. Hindi pa kasama riyan ang kita nila sa fire extinguishers.