LUSOT na sa House ad hoc committee on the Bangsamoro Basic Law (BBL) ang panukalang magiging batayan ng binubuong Bangsamoro government na ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Batay sa botohan ng mga miyembro ng komite, 50 ang pumabor, 17 ang kumontra at isa ang abstain.
Dahil dito, tatawagin na ang BBL bilang Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region.
Mismong si ad hoc chairman at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang nag-anunsiyo ng resulta ng kanilang botohan nitong Miyerkoles.
Gayonman, kailangan pa rin idaan ang panukala sa joint committee on appropriations at ways and means para sa kaukulang paghahanay ng magiging pondo nito.
Inaasahang isasalang ito sa plenaryo sa susunod na linggo.
Malungkot ang grupo ng mga kontra sa BBL, lalo’t nasayang umano ang kanilang mga makabuluhang amyenda.
Para kay Zamboanga Rep. Celso Lobregat, nawalang saysay ang halos 50 hearings dahil sa huli ay sariling bersiyon ng mga lider ang nanaig.
Jethro Sinocruz