PATAY ang isang lalaki habang 12 ang sugatan makaraan araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) na mimamaneho ng kolehiyalang anak ni dating PBA cager Nelson Asaytono, sa Ramon Magsaysay Blvd. at Altura Street, Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sugatan din sa insidente ang driver ng Toyota Innova (ZCX-638) na si Kim Arielle Asaytono, 22, estudyante sa University of Sto. Tomas, at residente sa Francisco St., Bo. Kapitolyo, Pasig City, isinugod rin sa UERM Hospital dahil sa pinsala sa ulo at katawan.
Binawian ng buhay makaraan ilipat sa Tondo General Hospital mula sa UERM Hospital, ang biktimang si Oscar Imus Lastimado, 44, ng 13 Road 12, NDC Compound, Sta. Mesa, Maynila, dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Habang kabilang sa mga nasugatan sina Arnold Diquito, 34; Armand Eru, 42; Lancelot Verian, 38; Guric Magtaza, 42; Timothy John Dungo, 22; Millano Barnatcha, 48; Alberto Tizon, 41; Darwin Vidal Ramirez, 33; Fidel Alfaraz Estante, 50; Wilfredo Avila, 56; at Salvador Verceles, 65, pawang ng Sta. Mesa, Maynila, isinugod sa UERM Hospital at Lourdes Hospital.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Rey Fernandez, ng Manila Police District-Vehicular Traffic Investigation Section (MPD-VTIS), nangyari ang insidente dakong 8:30 p.m. sa nabanggit na lugar.
Binabaybay ni Asaytono ang east direction ng Ramon Magsaysay Blvd. ngunit pagsapit sa panulukan ng Altura St., nawalan ng kontrol at nakabig ang manibela pakanan kaya nasoro ang grupo ng mga pasahero na naghihintay ng jeep.
Nabatid sa impormasyon, habang nagmamaheno ay nag-aaway si Asaytono at ang kanyang girlfriend na kapwa lasing, hanggang agawin ng babae ang manibela na nagresulta sa insidente.
Hindi nakasaad sa report ng MPD-VTIZ ang pagkakakilanlan ng kasamang babae ni Asaytono at hindi rin nakalagay na may kasama siyang babae nang maganap ang insidnete.
Leonard Basilio