POSIBLENG tamaan ng magnitude 7.2 lindol ang West Valley Fault, isa sa dalawang fault segment ng Valley Fault System (VFS) sa bahagi ng Greater Manila Area.
Ayon kay Renato Solidum, director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sa dalawang fault system, “mas malamang na ang West Valley Fault ang magdudulot nang mas malaking lindol kaysa East Valley Fault dahil po sa haba nito.”
Paliwanag niya, magkahiwalay ang 10-kilometrong East Valley Fault na nasa ilalim ng ilang barangay ng Rodriguez at San Mateo, Rizal, at ang West Valley Fault, may habang 100-kilometro na nagmumula sa Bulacan hanggang Laguna.
Hanggang sa magnitude 6.2 ang tinatayang lakas ng lindol sa East Valley Fault habang “puwedeng magdulot ng magnitude 7.2 lindol (ang West Valley fault) na nagsisimula sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan hanggang sa Calamba, Laguna.”
Batay sa Risk Analysis Project (RAP) ng Phivolcs at Geosciences Australia sa West Valley Fault, natukoy nilang posible itong kumitil ng 37,000 indibidwal sa Metro Manila at Rizal, anim na beses na mas malaki sa bilang ng mga namatay sa Bagyong Yolanda noong 2013.
Habang posibleng pumalo sa 148,000 ang masasaktan sakaling tumama ang malakas na lindol.