MAY hatid na kilig moments ang Wattpad episode nina Ella Cruz at Bret Jackson sa TV5 na pinamagatang Hot and Cold na nagsimulang mapanood last Monday.
Kahit almost 10 pm nang nagsimula ito dahil natagalang matapos ang PBA game that night, ang aking dalawang anak na sina Denisse Andrea at Ysabelle Andrea ay nagtiyaga talagang maghintay para mapanood. Ayon sa aking mga anak, nag-enjoy naman daw sila at sinabi pa ng bunso ko na bagay daw sina Ella at Bret.
Incidentally, maganda ang programming ng TV5 dahil after ng Wattpad serye nila, ang kasunod naman ay ang Baker King na pinagbibidahan ni Mark Neumann. Pamilyar na kasi ang maraming viewers dito dahil originally ay isang hit Koreanovela ang seryeng ito na ngayon ay napapanood sa TV5.
Anyway, kung mas ma-ayos sanang mag-Tagalog si Bret ay mas okay ang kanilang kulitan at asaran scenes ni Ella. Hopefully ay mas maglaan sana ng oras si Bret para mas matutunan pa ang pagsasalita ng Tagalog.
Samantala, nagpahayag naman ng kagalakan si Ella sa Star Magic dahil pinayagan siyang makalabas sa naturang mini-series ng Kapatid Network.
“Mabuti pinayagan ako. Sa ngayon, borrowed artist ako from ABS-CBN. Masaya naman po ako sa TV5. Puwede naman po ako na ganito lang muna,” saad ni Ella.
Nilinaw naman ng young actress na hindi nangangahulugan na iiwan na niya ang ABS CBN. Although katatapos lang ng contract niya sa Dos, sinabi ni Ella na mare-renew ang kontrata niya sa Kapamilya Network.
Nagpahayag din ng kagalakan si Ella dahil nabigyan ng chance na makagawa ng isang romantic-comedy sa TV. “Masaya, kasi matagal ko nang gustong gumawa ng Rom-Com. Dito, ang arte-arte ko lang. Sobrang rom-com lang. Ang tagal ko nang gustong mag-rom-com kaya ito na, pinush ko talaga ‘yung comedy side ko.
“Iyong mga kilig-kilig, nakami-miss din pala. Iba kasi iyong feeling na gumawa ng Wattpad na kilig-kilig, iyong Wattpad kasi ay patok sa mga teens ngayon. Ang saya lang gumawa ng mga kilig-kilig lang.”
ni Nonie V. Nicasio