HINDI sana namatay ang 72 manggagawa ng Kentex kung sa simula pa lang ng panunungkulan ni Mayor Rex Gatchalian, ipinatupad na niya ang inspeksyon sa lahat ng pabrika sa lungsod ng Valenzuela.
Ngayon, nagkukumahog si Rex sa pagsasagawa ng inpection sa mahigit 1,500 pabrika para masiguro ang usapin sa occupational health and safety, kaayusan at katatagan ng gusali, kaligtasan sa sunog at pagkakaroon ng kaukulang business permit.
Bagamat positibo ang ganitong aksiyon ni Rex, hindi maitatanggi na malaki ang pagkukulang ng local government ng Valenzuela City sa usapin ng pagbibigay ng business permit sa mga negosyo lalo nang mapag-alamang walang Fire Safety Inspection Clearance ang Kentex.
Isa sa rekesitos ang pagkakaroon ng Fire Safety Inspection Clearance bago mabigyan ng business permit ang isang negosyo.
At hindi rin makatatakas sa responsibilidad si Rex sa usapin ng mababang pasahod ng mga manggagawa sa Kentex. Sa ilalim kasi ng Worker’s Affairs Office ng pamahalaan ng Valenzuela City, tinitiyak ng tanggapang ito na magiging maayos ang relasyon ng labor at management lalo ang usapin ng tamang pasahod.
Magkagayonman, saludo pa rin tayo kay Rex. Meron ngang kasabihan… “Huli man daw at magaling, huli pa rin!”