UMABOT sa P361.9-B halaga ng malalaking proyekto ang binigyan ng go-signal ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong 2015 o isang taon bago siya bumaba sa puwesto.
Limang proyekto na nagkakahalaga ng P61.9-B ang inaprubahan sa 17th National Economic Development Authority (NEDA) Board meeting sa Malacañang kahapon na pinangunahan ng Pangulo.
Kabilang sa limang malalaking proyektong ang LRT 2 West Extension project na nagkakahalaga ng P10.1 bilyon mula Recto hanggang Pier 4.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., lumusot din sa NEDA board ang P6.9 bilyong Road Improvement and Institutional Development Project ng DPWH, P28.9 bilyong National Road Improvement and Management Program Phase 2, P2.6 bilyong Agno river irrigation system extension projects ng National Irrigation Authority (NIA), at ang P13.4 bilyong Balog-Balog multi-purpose project Phase 2.
Noong nakalipas na Pebrero ay halos P300 bilyong piso ang bagong infrastructure projects ang inaprubahan sa ika-16 National Economic Development Authority (NEDA) Board meeting sa Palasyo.
Kabilang sa mga proyektong binigyan ng go-signal ang Panguil Bay Bridge Project na nagkakahalaga ng P5.1 bilyon, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway project na P6.7 bilyon, ang North-South Commuter Railway (NSCR) Project, Phase I na P117.3 bilyon ang project cost, at North-South Railway Project (NSRP) – South Line na P170 bilyon.
Inaprubahan din ng Board ang re-bidding ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Project, na may minimum bid price na P20.1 bilyon.
Kinompirma rin sa Board ang naunang approval ng NLEX-SLEX Connector project.
Rose Novenario