LUSOT na sa House Justice Committee ang resolusyong humihiling na i-house arrest si dating Pangulo, ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Sa botong 8-1, pinayagan ng komite ang hiling dahil sa humanitarian reasons.
Non-binding anila ang resolusyon at sunod na isasalang sa plenaryo para aprubahan.
Naniniwala si Justice Committee Chair Niel Tupas na sasang-ayon din ang boto pagdating sa plenaryo.
Nitong Abril, humirit ang kampo ni Arroyo sa Sandiganbayan First Division na maidetine sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City ang dating pangulo.
Makatutulong anila ang house arrest sa agarang paggaling ni Arroyo na tatlong beses nang sumalang sa spinal surgeries.
Mula 2012, naka-hospital arrest ang dating pangulo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) nang dumanas ng komplikasyon mula sa cervical spine surgery noong 2011.
Inakusahan ang dating pangulo ng maling paggamit nang hindi kukulangin sa kalahating bilyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanyang termino.
Jethro Sinocruz
Kampo ni GMA ‘wag muna magdiwang — Palasyo
MASYADO pang maaga para magdiwang ang kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kahit pumasa na sa komite sa Kongreso ang resolusyong isailalim siya sa house arrest.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., kahit nakalusot na sa House Committee on Justice ang resolusyon ay kailangan pa rin dumaan sa plenaryo ng Kamara ang pagpapahintulot ng Kongreso na isailalim sa house arrest ang dating pangulo.
Binigyang-diin ni Coloma na nasa hurisdiksyon na ng korte si Arroyo kaya ang Sandiganbayan na ang magpapasya sa kanyang magiging kapalaran.
Rose Novenario