NILAGDAAN na ni Senate President Franklin Drilon ang arrest order laban sa 14 individual na iniuugnay kay Vice President Jejomar Binay, makaraan i-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee kamakalawa bunsod nang patuloy na pag-isnab sa imbestigasyon ng kapulungan.
Una nang sinabi ni Drilon na kailangan niyang lagdaan ang arrest order para ipaaresto ang mga hindi tumata-lima sa kautusan ng Senado sa layuning galangin ang isinasagawang imbestigasyon ng kapuluangan.
Kabilang sa ipinaaresto sina Gerardo Limlingan, finance officer ni VP Binay; Antonio Tiu, sinasabing dummy ni Binay; James Tiu, kapatid ni Antonio Tiu; Anne Lorraine Buencamino-Tiu, sister-in-law ni Antonio Tiu; Vissia Marie Aldon; Danilo Villas; Aida Alcantara; Hirene Lopez; Irene Chong; Imee Chong; Kim Tun Chong; Irish Chong; Erlinda Chong; at Kimsfer Chong.
Magugunitang unang ipinaaresto ng komite ang personal secretary ni Binay na sina Ebeng Baloloy, Engineer Line Dela Pena at ang isa pang sinasabing dummy ni Binay na si Bernadette Portallano.
Cynthia Martin
Binay walang immunity
KINONTRA ni Senate President Franklin Drilon ang pahayag ni Atty. Harry Roque na may immunity si Vice President Jejomar Binay sa mga kaso na isinampa laban sa kanya at tanging impeachment case lamang ang paraan para matanggal sa pwesto.
Sinabi ni Drilon, hindi siya komporme sa sinabi ni Roque na maibabasura lamang ang mga kaso laban kay Binay dahil sa kanyang immunity.
“Medyo mahirap pong tanggapin ang ganoong klaseng position dahil sa ating sinusunod sa demokrasya, tayo po ay pantay-pantay sa ilalim ng batas. Mayaman ka man o mahirap, makapangyarihan o pangkaraniwang mamamayan, kung tayo po ay may pananagutan sa batas, dapat tayo ay panagutin,” ayon kay Drilon.
Binigyang diin ni Drilon na walang ni isa na mas mataas pa sa batas.
“No one is above the law. Under the theory of Professor Harry Roque, kung ikaw ay nagnakaw, basta impeachable official ka, hindi ka pwedeng sampahan ng kaso. Ako po ay hindi sang-ayon diyan at ‘yan po ay labag sa ating basic principle of justice,” dagdag ni Drilon.