ni Ed de Leon
HALATA mong masyadong nasasaktan ang megastar na si Sharon Cuneta sa nakikita niyang pakikitungo sa kanya ng ilan niyang kakilala.
Una, nabanggit niya ang isang taong pinagkatiwalaan ng kanyang pamilya pero in the end ay niliko lang pala sila. Mukhang hindi na namin ipagtatanong kung sino iyon, dahil common knowledge naman kung sino-sino ang gumawa niyon sa kanilang pamilya.
Pero mas matindi pa ang sinabi niya na may mga taong ang tingin sa kanya ay “bank of Sharon islands” o kaya ay isang “atm machine”.
Sabay sabing oo nga at may trabaho siya, kumikita siya pero marami rin naman siyang bayarin na kailangang isipin. Hindi rin ganoon kadali ang pera.
Minsan nangyayari talaga iyan. Kahit nga sa mga hindi naman ganoon kayaman, may mga taong ang tingin talaga sa kapwa nila ay “siyang kasagutan ng kanilang miserableng buhay”, at kung malapitan ka at hindian mo, ikaw na ang pinakamasamang tao sa mundo. Kung kami nga na hindi naman mayaman, nararanasan namin ang ganyan eh. Ang masakit pa, ibang mga tao iyan, ni hindi mo kaanak.
Hindi rin namin masisisi si Sharon, siguro umabot na siya roon sa puntong napuno na siya, kaya hanggang sa kanyang Facebook account ay nailabas niya ang sama ng loob. Minsan siguro iyong mga bagay na hindi niya masabi, nailalabas na lang niya sa kanyang isinusulat. Isipin mo nga naman kung sabihin mo sa press ang mga bagay na iyan, baka kung ano pa ang sabihin ng mga tao. Eh iyong Facebook nga naman, kung iisipin ay personal iyan. Para lang diary. Iyon nga lang, nababasa ng iba, at sa rami ng followers ni Sharon, ano nga ba ang kaibahan nang isigaw iyon sa buong bayan. Pero hindi mo siya masisisi, nakukunsumi na iyong tao eh.
Si Sharon, kung tawagin iyan noong araw ay “sunshine girl”, kasi nga wala kang maririnig na problema o sama ng loob mula sa kanya. Pero talagang nagbabago naman ang panahon.