PATAY noon din ang isang security guard ng isang condominium makaraan mahulog mula ika-16 palapag habang bumaba sa bintana ng isang unit gamit ang bedsheets makaraan magwala sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktimang si Malton Baldosa, security guard ng Kaakibat Security Agency, at stay-in sa binabantayang condominium.
Sa imbestigasyon ni PO2 Rhic Roldan Pittong, nangyari ang insidente sa Victoria Tower sa Panay Avenue, Brgy. Paligsahan, dakong 2:30 a.m.
Nauna rito, ipinagbigay-alam ng condominium lobby guard na si Zhan Kiram sa mga kasamahang security guard na sina Ronaldo Pura at Nilo Perez na alamin ang itinawag sa kanya ng isang tenant mula 16th floor na nagwawala si Baldosa habang may hawak na tubo at binasag ang ilaw sa elevator.
Bukod dito, ginulo ni Baldosa ang tatlong residenteng nakatira sa mga unit nito.
Pagdating nina Pura at Perez sa 16th floor, nakita nila ang isang pintuan sa unit-1602 na nakabukas at nagkalat ang gamit at nakita rin nila si Baldosa na naglalambitin sa labas ng bintana gamit ang bedsheet, hanggang sa tuluyang dumausdos paibaba.
Agad binawian ng buhay si Baldosa bunsod nang matinding pinsala sa katawan.
Almar Danguilan