ni Ed de Leon
DOON sa isang arrival interview ni Manny Pacquiao, bagamat sinabi niyang ayaw pa niyang mag-retire sa boxing dahil sa palagay niya ay kaya pa niyang lumaban, at ang pagkatalo niya kay Mayweather ay bahagi lamang ng isang career dahil natural lang naman sa isang boxer na matalo rin minsan. Sinabi rin niyang naroroon pa rin ang option na mag-retire na.
Oo naman. Mayroon pa naman siyang iba pang ambisyon kagaya ng isang political career at saka kung iisipin, kahit na ang apo pa niya, hindi na kayang ubusin ang perang kinita niya. Kahit na nga sabihing magkaroon ng isa pang boyfriend si Aling Dionisia. Ang laki na ng kinita ni Pacman.
Pero may nagsabi nga sa amin, “kung magre-retire na si Pacman sa boxing at ang maging desisyon niya ay maging professional singer na lang, o artista, ano ang masasabi mo?”
Ang sagot naman namin ay sana huwag na lang. Hindi naman niya kikitain sa pagiging isang singer o isang artista ang kinikita niya sa boxing eh. Hindi rin niya kikitain bilang isang singer o artista ang posible niyang kitain kung pangangatawanan na lang niya ang pagiging isang politiko.
Kung iisipin mo nga, mas nakagugulat pa iyong sinasabing kinikita ng mga politiko na itinatago nila sa kanilang SALN kaysa kinita ni Pacman sa laban niya kay Mayweather, at nakalulusot ang mga iyon kay Kim Henares. Hindi niya kasi alam dahil puro under the table iyon. Eh si Pacman, bulgar ang kinikita kaya hinahabol ni Henares.