MAY mga dapat managot sa kalunos-lunos na pagkasawi ng 72 manggagawa nang masunog ang pabrika ng tsinelas na kanilang pinagli-lingkuran sa Barangay Ugong, Valenzuela noong Miyerkoles.
Sa panig ng Kentex Manufacturing Corporation, ang may-ari ng pabrika, bakit nila pinagtrabaho ang kanilang manggagawa sa ikalawang palapag ng gusali na may rehas ang mga bintana?
Preso ba ang tingin nila sa kanila na hindi puwedeng patakasin?
Sa 72 katawan ng mga nasawi ay tatlo lamang ang nakilala. Ang 69 iba pa na pawang nakulong sa ikalawang palapag ay idaraan pa sa DNA testing.
Natuklasan ni Interior Secretary Mar Roxas na may tatlong klase ng manggagawa sa Kentex – ang mga direktang kinuha ng kompanya, ang kinuha na dumaan sa ahensya, at ang kinuha sa pamamagitan ng ‘pakyawan system’ na panandalian lamang.
Ang mga dumaan sa sistemang pakyawan ay walang rekord sa kompanya, walang bene-pisyong pangkalusugan at hindi ginagawang re-gular na empleyado.
Dito pa lang ay may paglabag na sa batas kaya sisiyasatin nina Roxas.
Ang dapat matumbok sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay kung nakakuha ang Kentex ng kaukulang mga permit mula sa gobyerno.
Batid nating lahat na hindi makatatakbo ang isang pabrika kung hindi ito papasa sa mga pamantayan kaugnay ng kalusugan at kaligtasan.
Pero alam din natin na ang pera ay sapat na para magsilbing permit na puwedeng itapal sa mukha ng mga tiwaling empleyado at inspektor ng gobyerno.
Bukod sa may-ari ng pabrika ay dapat mapanagot ang mga taong-gobyernbo na sinuhulan kung nakapag-operate ang Kentex nang kulang-kulang ang pasilidad.
Hindi na maibabalik ang buhay ng 72 nasawi pero sa tamang paghihigpit ay maiiwasang maulit sa iba ang trahed-yang naganap.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View