PINURI ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang munisipalidad ng Candaba sa Pampanga bilang isa sa pinakaorganisadong local government unit (LGU) pagdating sa pagbibigay ng prayoridad at implementasyon ng mga proyekto para sa mamamayan.
Ayon kay Roxas, batid ng Candaba LGU sa pangunguna ni Mayor Rene Maglanque kung anong mga programa at proyekto ang kailangan ng mga nasasakupan nito tulad ng mga kalsada, tulay, day care at health centers, at ang huling nadagdag na P32 milyong ospital ng munisipyo.
Pinuri niya ang munisipalidad sa wastong paggamit ng local development fund na inilaan para sa pangangailangan at kapakanan ng mamamayan.
Pinasinayaan din ni Roxas ang bagong ospital ng munisipalidad sa Barangay Pasig, Candaba na mayroong modernong kagamitan na epektibong makatutugon sa pangangailangang medikal ng mga pasyente hindi tulad noon na kailangan maglakbay ang taga-Candaba ng 20-30 kilometro bago makapagpagamot sa ibang bayan at lungsod.
“Ang ospital na ito ay simbolo ng pag-asa at pagbangon ng Candaba. Ngayon, makikita na talaga natin ang sigla dahil nandito na mismo ang ospital sa lugar ninyo. Kayo ang gumawa nito at kayo ang boss sa tinatahak nating tuwid na daan,” sabi ni Roxas sa taga-Pampanga.
Nagkaloob din si Roxas ng tseke para mga proyektong pinondohan ng Bottom-up Budgeting (BuB) program ng DILG sa anim na LGUs kabilang ang mga impraestruktura para sa disaster risk reduction management, konstruksiyon ng mga kanal at tulay at proyekto para sa malinis na suplay ng tubig.
“Wala po tayong pinipili kahit pa man ibang chaleco ang suot nila, basta walang maiiwan sa tuwid na daan,” dagdag ni Roxas.
- Borlongan