KUNG tatanggapin ni Sen. Grace Poe ang inaasahang nominasyon ni Pangulong Noynoy Aquino bilang vice presidential candidate ng Liberal Party (LP) sa 2016 elections, kasingkahulugan ito ng pagtataksil sa inumpisahang laban ng kanyang amang si Da King Fernando Poe, Jr.
Ang milyon-milyong supporter ni FPJ ay umaasa kay Grace na kanyang ipagpapatuloy ang naudlot na laban ng kanyang ama, at hindi ito sa pamamagitan ng pagtakbo bilang bise presidente kundi bilang pangulo sa darating na halalan.
Kailangan tapusin ni Grace ang naiwang laban ni FPJ at hindi niya kailangan magpadikta kay PNoy sa kung ano ang kanyang nararapat na takbuhin. Nasa kamay ng mga supporter ni FPJ ang katuparan ng mithiing iniwan nito at wala sa kamay ni PNoy.
Hindi si PNoy o LP ang makapagpapasya sa kung sino ang hihiranging pangulo ng Pilipinas sa nakatakdang pambansang eleksiyon. Ang pananalig sa masang Pilipino ang dapat panghawakan ni Grace at hindi ang administrasyon ni PNoy na batbat ng kontrobersiya at katiwalian.
Pero mukhang nagbago na si Grace. Unti-unti nang nilalamon ng sistema si Grace at tila nakalimutan na niya ang ipinaglaban ng kanyang amang si FPJ. Asan na ang sinasabi ni Grace na… “Ang inumpisahan ng tatay ko, ipagpapatuloy ko!”