HINIMOK ng Palasyo ang publiko na makipagtulungan sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para mapalakas ang kahandaan sa lindol at iba pang kalamidad.
Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng babala ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hinog na ang West Valley Fault para sa isang posibleng mega earthquake sa Metro Manila at karatig lalawigan na kikitil sa libo-libo katao at sisira sa mga ari-arian na aabot sa trilyong pisong halaga.
“Tulong-tulong lang po tayong lahat para mapalawak ang kaalaman at mapalakas ang kahandaan sa mga lindol at iba pang natural disasters. Bahagi po ito ng ating tungkulin bilang mabuting mamamayan ng ating republika,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Tiwala aniya ang Palasyo na ginagampanan ng Phivolcs at National Disaster and Risk Reduction Management (NDRRMC) ang tungkulin na magbigay ng kaalaman at impormasyon sa publiko para mapaghandaan ang nakaambang kalamidad.
Nitong Biyernes, inihayag ni Phivolcs director Renato Solidum na hinog na ang West Valley Fault para sa isang malakas na pagyanig, gaya nang naganap sa Nepal kamakailan.
Ang fault aniya ay karaniwang gumagalaw kada 400 hanggang 600 taon, at ang huling naganap ang pagyanig nito noong 1658 o 357 taon na ang nakalilipas.
Ang 90-kilometrong West Valley Fault ay nagsimula sa Angat Dam sa Bulacan, at tumatagos hanggang Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Muntinlupa, Rodriguez Rizal, Cavite hanggang sa Calamba, Laguna.
Rose Novenario