NAKAUUPO sa poder ang mga pulpol na politiko o pul-politiko sapagkat laganap ang kahirapan sa ating bayan. Mayroong proporsiyong ugnayan ang kahirapan sa antas ng kalidad ng mga botante. Ang labis na kahirapan ang pinakapa-ngunahing nag-aalis sa kakayahang magpasya nang wasto ng masa at dahilan rin kung bakit sila nade-dehumanize o nawawalan ng pantaong katangian.
Ang labis na kahirapan ang nagtuturo sa masa kung paanong manlamang at magsamantala sa kapwa, kung paano mawalan ng pakikipag-kapwa tao lalo na ng tiwala sa iba, kung paano maging marahas sa kapwa-mahirap (horizontal violence), at kung paano maging oportunista at mawalan ng pagpapahalaga sa mga prinsipyo. Ito ang ilan sa mga natututuhan ng masa mula sa pagdarahop. Ito rin ang puno’t dulo ng kanilang pasya na ibenta ang boto sa mga pul-politiko sa kagustuhang makatawid sa kagutuman kahit sa isang maghapon lamang.
Walang puwang ang nakawawalang pantaong katangian na kahirapan sa tunay na demokrasya. Hindi totoo ang demokrasya kung 100 pamilya lamang mula sa 17 milyong pamilyang Pilipino ang nakikinabang sa yaman ng bansa. Ang demokrasya natin ay ilusyon lamang sapagkat ang buong siste, pangkabuhayan at politikal, ay nakadisenyo para masiguro ang pananatili ng 100 pamilya sa tuktok. Ang namamayani sa atin ay demokrasyang oligarkiya.
Ang batayan ng tunay na demokrasya ay matalinong pagpapasya ng masa dahil sila ang mayorya sa lipunan. Hindi sila makabubuo ng mga matalinong kuro-kuro kung ang pangunahin nilang intindihin ay pang-araw-araw na ikabubuhay. Sikmura, hindi isip at diwa ang mangingibabaw sa kanilang pagpapasya. Walang ibig sabihin ang mga abstraktong konsepto tulad ng demokrasya’t katarungan kung kongkreto ang hirap na nadarama.
May hinala tuloy ako na sinasadya ng mga nagpapasasa sa yaman ng bansa na mapanatili ang matinding kahirapan ng bayan upang matiyak na hindi sila mawawala sa poder, upang lagi silang may halaga o relevant sa sistema. Ito siguro ang dahilan kaya ang ating batas sa pagbubuwis (taxation) ay “regressive” o pabor sa mga may kaya, ang batas sa paggawa (labor law) ay anti-manggagawa, ang sistema ng edukasyon ay komersyalisado, at walang tunay na reporma sa lupa…mga ilan lamang sa sakit ng ating lipunan.
Tanging sa pagtataas ng kalidad ng buhay ng mamamayan magkakaroon nang matalinong pagpapasya para sa kinabukasan ng bansa. Ang unang hakbang para makamit ito ay makatarungang pagbabahagi ng yaman ng bansa. Magagawa lamang ito sa pamamagitan nang pagbibigay nang pantay na pagkakataon sa lahat sa lara-ngan ng edukasyon, kultura, ekonomiya, kalusugan, politika at iba pa.
Ngayon kung hindi tayo ang kikilos ay sino ang gagawa para maging totoo ito?
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=ts para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.