MALAYO o milya-milya ang agwat ng kasikatan ni Daniel Padilla kay James Reid kung popularidad ang pag-uusapan. Kung ilang beses na naming nasaksihan kung gaano karami at ka-wild ang fans ni Daniel. At dahil ang dalawa ang pinagtatapat, hindi maiwasang pagkomparahin at pagsabungin ang mga ito.
Pinagsasabong man, hindi naman nagpapa-apekto si Daniel at iginiit na hindi sila nagkakailangan.
“Wala, wala namang ilangan. Kapwa natin artista ‘yan. Kaibigan natin ‘yan,” ani Daniel sa presscon ng pinakabago nilang pagsasamahang teleserye ni Kathryn Bernardo, ang Pangalo Sa ‘Yo na mapapanood na sa Mayo 25, Lunes.
Ani Daniel, ”Magkaibigan kami ni James, dati pa. Magkaibigan talaga kami,” paglilinaw ng binata.
Samantala, masasaksihan na ng buong sambayanan ang engrandeng pagbabalik sa telebisyon ng classic Filipino love story na sumubok sa mga pangakong binibitawan ng bawat isa sa pagsisimula ng pinakaaabangang primetime teleserye sa ABS-CBN na Pangako Sa ’Yo.
Bukod kina Daniel at Kathryn, kasama rin dito ang tatlo sa pinakahinahangaang aktor sa industriya na sina Angelica Panganiban, Ian Veneracion, at Jodi Sta. Maria mula sa direksiyon ng pinakamagagaling na direktor sa bansa na sina Rory Quintos, Dado Lumibao, atOlivia Lamasan.
Umiikot sa kuwento ng sinumpaang pag-ibig ng isang kusinera na si Amor (Jodi) at ng lalaking nagmula sa isang mayamang pamilya na si Eduardo (Ian). Dahil sa paghadlang ng kanyang pamilya sa kanilang pagmamahalan, mapipilitan si Eduardo na iwan ang babaeng iniibig at pakasalan ang babae na napili ng kanyang ina na si Claudia (Angelica).
Matapos ang mahabang panahon, susubukin naman ng tadhana at pag-ibig ang anak nina Eduardo at Claudia na si Angelo (Daniel), nang makilala niya ang kaisa-isang babae na kanyang mamahalin, si Yna (Kathryn).
Ang Pangako Sa ’Yo ay sa ilalim ng produksiyon ng Star Creatives na unang umere noong 2000 na pinagbidahan nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa. Ito ang unang Pinoy teleserye na mainit na tinangkilik at tinutukan sa iba’t ibang parte ng mundo. Mahigit sa 20 bansa kabilang ang China, Singapore, Thailand, at Malaysia ang sumubaybay dito. Binili rin ito ng Cambodian Television Network (CTN) ang format ng Pangako Sa ’Yo” mula sa ABS-CBN noong 2012 at gumawa ng localized version.
ni Maricris Valdez Nicasio