Friday , November 15 2024

Kentex, DOLE, BFP idiniin sa multi-violations (Dapat managot sa batas)

051715 FRONTIBA’T IBANG paglabag sa panuntunan at batas ang posibleng sanhi ng pagkamatay ng 72 trabahador sa pabrikang nasunog sa Valenzuela City, ayon sa fact-finding team na binubuo ng apat na labor groups.

Sa imbestigasyon ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) at Kilusang Mayo Uno mayroong  “glaring violations of standards pertaining to general labor conditions and to occupational health and safety. It is most likely that these violations caused the tragic and massive loss of lives in the recent fire.” 

Dahil dito, pinakakasuhan sina Veato Ang, Ong King Guan at iba pang may-ari ng Kentex Manufacturing Corporation. 

Giit nila, unang paglabag ng Kentex Manufacturing ang mishandling ng rubber emulsifier na nakabalandra lang sa unang palapag ng pabrika.

Ayon sa mga nakaligtas, nagsimula ang sunog nang magliyab ang nasabing kemikal makaraan matalsikan ng baga mula sa pagwe-welding sa gate ng pabrika.

Wala rin aniyang maayos na label ang rubber emulsifier kaya maging ang welder ay hindi alam na ito’y highly flammable.

Ikatlong paglabag na nakita sa pabrika ang kawalan ng smoke and fire alarm, gayon din ng fire drill sa mga manggagawa.

Idinagdag din ng fact-finding team na walang fire exit sa pabrika at mayroon lamang itong dalawang gate. Hinaharangan din ng steel grills at mesh wire ang mga bintana sa ikalawang palapag kung saan na-trap ang marami sa mga namatay. 

Ipinunto rin ng fact-finding team ang mga paglabag ng Kentex sa general labor standards.

Kuwento ng ilang survivors sa sunog, tanging mga trabahador lang na nakapaglingkod ng 20 hanggang  25  taon  sa  kompanya ang binibigyan ng regular status habang casual worker ang turing sa mga may serbisyo ng 10 taon.

Kalahati rin anila sa mga trabahador ng kompanya ay mula sa CJC Agency at tumatanggap lang ng arawang sahod na P202 at allowance na P187 hanggang P220. Hindi rin ibinibigay ng CJC Agency ang kanilang kontribusyon sa SSS, Philhealth at PAG-IBIG. 

Dagdag ng survivors, marami sa kanilang kasamahan ay pakyawan at walang kontrata kaya kailangan magtrabaho ng 12 oras kada araw. 

Kaugnay nito, iginiit ng grupo na panagutin ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DoLE) at Bureau of Fire Protection (BFP) na nagbigay ng sertipikasyon sa Kentex sa kabila ng mga naturang paglabag.

Pinaiimbestigahan din nila ang proseso ng pagbibigay ng DoLE ng compliance certification sa kompanya.

Panawagan ng grupo ang ayuda para sa pamilyang namatayan sa sunog, mga nawalan ng trabaho at mga naulilang bata. 

Isinusulong ng fact-finding team ang pagpasa ng House Bill 4635 o Workers’ Safety and Health Inspection and Employers’ Liability Decree (SHIELD) na magtuturing sa mga paglabag sa occupational health and safety standards bilang criminal at administrative offenses.

Valenzuela fire probe sa Kamara sa Miyerkoles na

MAGSISIMULA sa Miyerkoles, Mayo 20 ang pagdinig ng House Committee on Labor and Employment sa malaking sunog sa pabrika sa Valenzuela na ikinamatay ng 72 manggagawa, empleyado at anak ng may-ari.

Kinompirma ni Committee Chair Rep. Karlo Nograles, ganap na 1:30 ng hapon nakatakdang mag-umpisa ang pagdinig.

Pokus aniya ng pagdinig ang occupational safety at posibleng paglabag sa Labor Code sa nangyaring insidente. 

Kabilang sa mga inimbitahang dumalo ang mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DoLE), lokal na pamahalaan ng Valenzuela, ilang labor groups, at mga naulilang pamilya.

Inaalam pa kung dadalo o magpapadala ng kinatawan ang may-ari ng pabrika.

Bukas ang komite sa iba pang nais dumalo sa pagdinig.

Tutukan ang lumabas na ulat na hindi rehistrado ang sub-contractor ng Kentex Manufacturing Corporation na CJC Manpower Services.

Bukod sa pagtukoy sa mga pagkukulang, mahalagang maisalin din aniya sa pagpapalakas ng batas ang imbestigasyon para maagapan ang ganitong insidente sa hinaharap.

 

Kinompirma DoLE NCR Sub-con ng Kentex ‘di rehistrado

IPINATATAWAG ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pamunuan ng nasunog na pabrika sa Valenzuela City makaraan mapag-alamang hindi rehistrado ang kinuha nitong sub-contractor. 

Batay sa inisyal na report ni DoLE NCR Director Atty. Alex Avila, nabatid na nabigyan na ng kagawaran ng compliance certificate ang Kentex Manufacturing Corporation bago nito kinuha ang sub-contractor na CJC Manpower Services. 

Aabot sa 104 mula sa mahigit 200 trabahador ng Kentex ang nasa ilalim ng CJC Manpower Services. Kalahati rin sa 72 namatay sa sunog ay mga agency worker. 

Kaugnay nito, kinompirma ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz na kailangan dumalo ang Kentex at CJC sa mandatory conference sa Lunes. 

Giit ng kalihim, “Kung nag-employ nga sila o nag-engage nga sila ng contractor na hindi rehistrado, definitely ‘yung mga employees noon ay maaaring hindi kasama sa mga programa na ginagawa kung ikaw ay compliant sa labor standards at kung compliant sa safety and health.”

Nilinaw rin niyang natiyak nilang may unyon at Collective Bargaining Agreement (CBA) ang Kentex bago nila ginawaran ng compliance certificate.

Tinulungan din aniya ng DOLE na bumuo ng Health and Safety Commitee ang kompanya, para matiyak na matatanggal ang mga maaaring pagmulan ng sakuna.

Iimbestigahan sa darating na conference ang pahayag ng ilang manggagawa na hindi naiaabot ng CJC ang kanilang kontribusyon sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) at Pag-IBIG kahit kinakaltas mula sa kanilang sahod. 

Idiniin ni Baldoz na lahat ng paglabag na mapatutunayan sa panig ng agency ay sasagutin ng Kentex.

“Lahat ng pananagutan ng kanilang kinuhang manpower agency, ang mananagot ‘yung principal employer, ‘yung Kentex. At ‘yung mga empleyado nila, kahit hindi rehistrado, hindi pwedeng sabihin na hindi ko empleyado ‘yan,” paliwanag ni Baldoz. 

Kasabay nito, inamin ng kalihim na mahina ang maipapataw na parusa sa paglabag ng Kentex dahil nakabinbin pa rin sa Kongreso ang panukalang ituring na criminal liability ang paglabag sa health and safety standards sa mga lugar ng paggawa. 

One-stop assistance center sa Vale fire victims ikinasa

MAY inihahandang one-stop assistance center ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela para sa mga kaanak ng 72 namatay sa nasunog na pabrika.

Tiniyak ni Mayor Rex Gatchalian sa mga naulilang pamilya na pagtungo nila sa city hall ngayong Miyerkoles, Mayo 20, magiging madali at maaayos ang lahat ng kanilang mga kakailanganing tulong. 

Kabilang sa ahensiyang dadalo sa one stop assistance center ang tanggapan ng Social Security System (SSS), Department of Labor and Employement (DoLE), Pag-IBIG, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Bukod pa sa tanggapan ng mga konsehal na may kanya-kanya rin tulong na iaabot sa kaanak ng mga biktima.

Ito aniya ang tugon sa pangako ni Interior Secretary Mar Roxas na ayuda mula sa national agencies.

Kabilang sa mga pribadong tanggapang nahimok at nag-alok na sumama sa assistance center ang Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry at Tzu Chi Foundation.

Dakong 11 a.m. ng Miyerkoles inaasahang magbubukas sa mga namatayan ang assistance center. 

Bukod sa nakahandang financial assistance, sinagot na ng lokal na pamahalaan ang ataul at pansamantalang paglalagakan ng mga bangkay. 

Sa bahagi ng imbestigasyon, inaasikaso na ng Valenzuela ang paghalukay sa lahat ng dokumento at papeles na may kinalaman sa Kentex kabilang ang plano, permit at iba pa.

Isusumite aniya nila ito sa mga investigating team na may hawak ng kaso.

About hataw tabloid

Check Also

La Consolacion College Fire

Sa Mendiola, Maynila  
LA CONSOLACION NASUNOG EMPLEYADO SUGATAN

SUGATAN ang isang empleyado sa sunog na tumupok sa La Consolacion College, sa Mendiola St., …

Motorsiklo sinikwat tirador natunton sa mga kuha ng CCTV

Motorsiklo sinikwat ‘tirador’ natunton sa mga kuha ng CCTV

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sta. …

Carlwyn Baldo

Kalusugan nalagay sa alanganin
LEGAL TEAM NI DARAGA MAYOR CARLWYN BALDO PINAG-AARALAN KASONG ISASAMPA LABAN SA NURSE  
Warden humingi ng paumanihin

PINAG-AARALAN ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang kasong isasampa laban sa nurse ng …

Duterte Gun

Duterte aminadong pumatay ng 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong …

111424 Hataw Frontpage

PH mistulang killing fields sa ‘Duterte drug war — Solon

ni GERRY BALDO NAGMISTULANG killing fields ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan ang Filipinas …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *